Latest News

Mga lider ng Simbahang Katolika, nagpaabot ng mungkahi kay PBBM

Nagpaabot ang mga lider ng Simbahang Katolika ng mungkahi kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,sa opisyal nitong pagsisimula ng panunungkulan bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas.

Iminungkahi ni Caritas Philippines national director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na iprayoridad ng bagong administrasyon ang pagtugon sa laganap na kahirapan na pinalala ng COVID-19 pandemic at sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagdulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na naging sanhi ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at pamasahe.

Iginiit ng Obispo ang kahalagahan na tugunan ang patuloy na pagtaas ng poverty incidence sa bansa kung saan batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong December 2021 ay umabot na sa 23.7-percent ang poverty incidence o dagdag na 3.9-milyong Pilipino ang dumaranas ng kahirapan sa unang bahagi ng nakalipas na taon.

“After the inauguration of President-elect Ferdinand Marcos, Jr., Caritas Philippines national director Bishop Jose Colin Bagaforo calls on the government to tackle the problems head-on. Among these problems is the alleviation of poverty especially in the countryside. As reported by the Philippine Statistics Authority (PSA) last December 2021, the poverty incidence among the population increased to 23.7 percent during the first half of 2021 from 21.1 percent in the same period of 2018. This translates to 3.9 million more Filipinos living in poverty.” panawagan ni Bishop Bagaforo.

Umaasa naman si Bishop Bagaforo na sa pagsisilbing kalihim ng Department of Agriculture ng Pangulong Marcos ay ganap na tutukan nito ang sektor ng agrikultura lalu na ang suliranin sa iligal na pag-aangkat ng mga agricultural products.

“As the president-elect will also be the secretary of the Department of Agriculture, he also needs to address the plight of farmers versus imported agricultural products. This was worsened in particular by Republic Act No. 11203 (Rice Tariffication Act), a law that paved the way for more imported rice to reach the Philippines.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.

Muli ding nanawagan ang Obispo sa bagong administrasyon na huwag ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakda sa ika-5 ng Disyembre 2022 na mayroong direktang epekto sa buhay ng bawat mamamayan.

Umaasa naman si Nueva Segovia Archbishop Marlo Peralta na pagsumikapan ni President Ferdinand Marcos Jr. na itaguyod ang kabutihan ng bawat Pilipino.

Sinabi ni Archishop Peralta na nawa’y sa tulong ng Panginoon ay magampanan ng administrasyon ni Marcos Jr. ang tungkuling isulong ang kabutihan ng nakararami.

“May you always seek God’s guidance as you work for the common good of the Filipino people especially those who are struggling every day to meet the needs of their families,” pahayag ni Archbishop Peralta sa panayam ng Radio Veritas.

Alas dose ng tanghali ng June 30 nang manumpa si President Marcos Jr. alinsunod sa nasasaad sa 1987 Constitution Article Seven, Section Four.

Tiniyak ni Archbishop Peralta ang suporta at panalangin sa bagong administrasyon at hiniling kay President Marcos. Jr. na huwag biguin ang mayorya ng mga Pilipinong bumoto at naniniwala sa kanyang kakayahan.

“With sincerity and good will, I pray that you’ll succeed in your presidency. I pray that you’re always aware that majority of the Filipino people are poor and they look up you to uplift their lives. Please, Mr. President, do not fail them,” ani Archbishop Peralta.

Hinamon naman ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang susunod na administrasyon na mas pagtuunan ang pagpapabuti sa sektor ng mga manggagawa.

Ito ang pahayag ng obispo matapos na maitala sa State of the Global Workplace: 2022 Report na ang mga manggagawang Filipino ang pinakanakakaranas ng stress sa trabaho sa buong Southeast Asia.

Ayon kay Bishop Mangalinao, marahil ang kawalang-katiyakan sa trabaho at hindi sapat na suweldo lalo na sa gitna ng coronavirus pandemic ang nagiging sanhi ng matinding stress ng bawat manggagawa.

“Stressed out na talaga ang mga manggagawa natin. Palagay ko, isa sa mga kadahilanan na sabihin natin na 24/7 na ang pagtatrabaho, binibigay na ‘yung dugo, pawis, at buhay. Kumbaga hindi pa rin umaangat ang kanilang buhay, hindi pa rin sumasapat ‘yung kita,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.

Sa nasabing 2022 Report, nanguna ang Pilipinas kung saan 50 porsyento ng mga manggagawa ang nakakaranas ng stress, kasunod nito ang Thailand na may 41 porsyento at pangatlo naman ang Cambodia na may 38 porsyento.

Inihayag ni Bishop Mangalinao na malaking hamon ang kakaharapin ng administrasyon ni pangulong Marcos upang mapabuti at matulungan ang mga higit na apektado ng pandemya at nararanasang krisis sa ekonomiya ng bansa.

Hinihiling naman ng Obispo na nawa’y tuparin ng bagong administrasyon ang kanilang mga pangako at plataporma tungo sa ikabubuti ng lipunan lalo na sa mga manggagawa.

Tiniyak nina Bishop Bagaforo, Archbishop Peralta at Bishop Mangalinao Muli ang patuloy na pakikipagtulungan ng Simbahan sa pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ng bagong administrasyong Marcos para sa kabutihan at kapakanan ng taumbayan.

Sa panig naman ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ay ipinaabot nito kay President Marcos ang buong tiwala ng international community

Sa kanyang talumpati bilang Dean of the Diplomatic Corps sa Vin D’Honneur matapos ang inauguration, ipinaabot ni Archbishop Brown ang buong tiwala ng mga kinatawan ng international community sa bansa sa pamumuno ni pangulong Marcos Jr. sa Pilipinas.

Ibinahagi din ng nuncio ang pangako na aktibong pakikipagtulungan ng international community upang matagumpay na maisakatuparan ng administrasyong Marcos ang mandato nito para sa sambayanang Pilipino.

“I know that I speak for all the diplomats gathered here with you this afternoon when I say that we too in the international community harbor the same hopes for your presidency and for your nation, and that we pledge our cooperation and collaboration with your administration in achieving the success of your mandate.” Bahagi ng talumpati ni Archbishop Brown.

Inihayag ni Archbishop Brown na bagamat maraming pagsubok ang maaring kaharapin ng bagong administrasyon ay kaisa naman ng sambayanang Pilipino ang international community sa pagtitiwala sa kakayahan ni President Marcos Jr. na pamunuan at pamahalaan ang bansa. (Jaymel Manuel)

Tags:

You May Also Like

Most Read