Magandang balita para sa mga residente ng Tondo.

Inaanyayahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng residente ng Tondo, lalo na ang mga senior citizens, na magtungo sa ‘Kalinga sa Maynila: City Hall on the Go!'” na gaganapin sa April 2, 2025 sa nasabing lugar kung saan maari silang makinabang sa napakaraming libreng serbisyo ng City Hall kabilang na ang maintenance medicines at maging libreng gupit at masahe.
“Ang mga serbisyo ng Manila City Hall, ngayon ay mas abot na ng lahat. Walang bayad at bukas ito para sa lahat,” pahayag ni Lacuna kasabay ng pag-aanunsyo niya na gaganapin ang ‘Kalinga’ program ng kanyang administrasyon mula 7 a.m hanggang 12 p.m.sa Wagas Street, malapit sa kanto ng Ibarra Street sa Tondo, District 1.
Ayon kay Lacuna, bagamat gagawin ang nasabing service fair sa Barangay 35 ay ‘welcome na welcome’ din umano na magtungo doon ang mga residente mula sa mga katabing barangay upang makinabang sa mga libreng serbisyo na iniaalok ng programa patu gkol sa kalusugan, social welfare, senior citizens, civil registry, mga trabaho, TESDA training at maging pet vaccination.
Para sa senior citizens, ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pamumuno ni Elinor Jacinto ay magkakaloob ng assistance para sa application ng senior citizen IDs; request na mapalitan ang senior citizen ID at bagong purchase booklets at consultation tungkol sa allowances.
Makakatanggap din sila ng libreng pneumococcal vaccine pati na ng gamot na pang-maintenance at iba pang gamot na available sa pharmacy sa ilalim ng serbisyong ipinagkakaloob ng Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold Pangan. Lahat ng residente na magtutungo sa service fair ay makakapag-avail din ng libreng gamot, medical consultation, blood typing, dental check-up at procedures (filling, flouride application, tooth extraction), Philhealth profiling, reading glasses at ng Pentahib, Polio, IPV at MMR vaccines para sa mga sanggol.
Ang Manila Department of Social Welfare sa pamumuno ni Re Fugoso ay magbibigay ng assistance kaugnay ng application ng bago o replacement ng nawalang IDs para sa persons with disability at solo parents, pati na rin consultation tungkol sa allowances habang ang City Civil Registry Office sa pamumuno ni Encar Ocampo ay mag-i-entertain ng request at consultation para sa civil registry tulad ng birth, marriage at death certificates.
Ang City Treasurer’s Office naman sa ilalim ni Jasmin Talegon ay magbibigay ng assistance para sa payments ng ni-request na certified true copy ng certificates (birth, marriage, death) pati na payment sa tricycle at e-trike permits habang ang City Legal Office aymagbibigay ng libreng notaryo, legal advice, affidavit of loss para sa senior, PWD at solo parent IDs at libreng affidavit para naman sa application ng solo parent ID.
Ang Public Employment Service Office sa ilalim ni Fernan Bermejo ay maghahanda ng mga available employers para sa job applications at tatanggap ng applications para sa senior at PWD job applications din. Mayroon ding libteng training para sa possible business ventures sa ilalim ng Manila Manpower Development Center.
Samantala, ang Veterinary Inspection Board ay magkakaroon naman ng libreng anti-rabies vaccination at ‘deworming’ para sa aso at pusa, bukod sa consultation.














