Latest News

MGA KUMPANYA, DAPAT MAY SAFETY OFFICERS — DOLE

KARAMIHAN sa mga pribadong kumpanya sa bansa ay walang safety officers na siyang nangungunang bayolasyon ng mga ito, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

“Karamihan po sa mga nakita po natin na violation is ‘yung wala po silang mga safety officers at wala po silang mga safety and health committees,” ayon kay DOLE-Occupational Safety and Health (OSH) Center Executive Director Noel Binag sa Laging Handa briefing.

Nadiskubre ito ng DOLE sa isinagawang pinakabagong inspeksyon ng OSH Center sa mga lugar-paggawa ng mga kumpanya.


Pangunahin umanong paglabag sa Occupational Safety and Health Standards Law na kinakailangan ang mga kumpanya sa bansa ay may safety officers at committees na titiyak sa kaligtasan at seguridad ng mga empleyado.

Binubuo ang isang komite ng kanilang employer o kinatawan bilang chairperson, safety officer na gaganap na sekretarya, safety officer na kakatawan sa contractor o subcontractor bilang miyembro, isang miyembrong doktor, at kinatawan ng unyon kung meron.

Ang safety officer ang mamamahala sa mga programang pangkaligtasan at kalusugan, pagbabantay at inspeksyon, pagtulong sa mga inspektor ng pamahalaan, at paglalabas ng utos sa pagpapahinto ng operasyon kung may isyung pangkaligtasan.

“Kailangan po tulong tulong ‘yan. Ito po ay joint effort among mga employers, among safety officers, at lalong lalo na po ‘yung participation ng ating mga manggagawa. Malaki po ang kanilang role,” ayon pa kay Binag. (Carl Angelo)


Tags: Department of Labor and Employment (DOLE)

You May Also Like

Most Read