MGA KATUTUBO, KINAKALAP PARA MAGING TERORISTA

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Mariing kinondena ng pamunuan ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army ang patuloy na pagsasamantala ng mga komunistang terorista sa mga kabataang katutubo na kinakalap para maging terorista.

Dahil sa patuloy na paghina umano ng Communist New Peoples Army ay sinasamantala nila ang kondisyon ng mga Kabataang katutubo na ilegal na nire-recruit sa kanilang hanay upang isabak sa armadong pakikibaka.


Nakumpirma ito matapos mahuli ng tropa ng pamahalaan ang dalawang menor de edad na kasapi ng komunistang terorista sa Kalamansig, Sultan Kudarat.

Kinilala ang mga kabataan na pawang katutubo sa alyas na “Digbay,” 16-anyos at “Mario,” 17, na parehong nasugatan at nahuli ng mga tropa ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion nitong Hunyo 21 sa Sitio Muagan, Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig.

Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, Commander ng 37IB, ang dalawa ay kabilang sa mga rebeldeng nakasagupa ng militar noong Hunyo 19 sa parehong lugar. Sa nasabing engkwentro, isang sundalo ang nasawi habang tatlong miyembro ng NPA ang napatay, kabilang ang dalawang mataas na opisyal ng kilusan.


Narekober mula sa mga kabataang biktima ng maling ideolohiya ang isang M16 rifle at tatlong magasin. Agad silang isinailalim sa medikal na atensyon sa isang pampublikong pagamutan bago inilipat sa Camp Siongco Station Hospital para sa karagdagang pangangalaga.

Nagpahayag ng pasasalamat si Lt. Col. Capuyan sa mga residente ng lugar sa agarang pagbibigay ng impormasyon na naging susi sa pagsalba sa dalawang menor de edad. Aniya, ang aktibong pakikilahok ng mga mamamayan ay mahalaga sa tagumpay ng mga operasyong panseguridad ng tropa ng pamahalaan.


Samantala, sinabi ni Brigadier General Michael Santos, Commander ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade: “Labis ang aming pagkabahala sa patuloy na pagsasamantala ng mga teroristang grupo sa inosente at madaling maimpluwensyahang kabataan. Hindi lamang nila inaagaw ang kinabukasan ng mga batang ito, kundi pati na rin ang pag-asa ng ating bayan. Bilang mga tagapagtanggol ng mamamayan, hindi namin ito papayagan.”

“Handa kaming tumulong sa kanilang pagbabalik-loob at paghilom sa tulong ng mga programang pangkapayapaan ng gobyerno,” aniya.


Samantala, inatasan na rin ni Major General Donald Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central (JTFC), ang mga unit sa ilalim ng kanyang pamumuno na magsampa ng kaukulang kaso laban sa NPA para sa malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).

Tags: Philippine Army

You May Also Like

Most Read

Latest News