DUMAGSA ang mga Katoliko sa mga simbahan nitong Miyerkules upang magpapahid ng krus na abo sa kanilang mga noo, ngayong Ash Wednesday, na hudyat ng pagsisimula na ng panahon ng Kuwaresma.
Umaga pa lamang ay matiyaga nang pumila ang mga mananampalataya upang makadalo sa banal na misa para sa Ash Wednesday at makapagpapahid ng krus na abo sa kanilang mga noo.
Matatandaang ito ang unang pagkakataon na ibinalik ng Simbahang Katolika ang naturang religious practice na itinigil na isagawa may dalawang taon na dahil sa COVID-19 pandemic.
Matatandaang noong kasagsagan ng pandemya, hindi pinapayagan ang mga pari na lagyan ng krus na abo sa noo ang mga mananampalataya.
Sa halip, binubudburan na lamang ang mga ito ng abo sa ulo bilang bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19.
Noong Sabado, una nang inianunsiyo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ibabalik na nila ang naturang relihiyosong aktibidad ng pagpapahid ng krus na abo sa noo, lalo na ngayong marami ng lugar sa bansa ang nasa ilalim na ng Alert Level 1 sa COVID-19.
Gayunman, mananatilli pa rin anila ang opsiyon na magbudbod ng abo sa ulo kung ito ang nais ng mananampalataya.
“The formula for the imposition of ashes ‘Repent, and believe in the Gospel,’ or ‘Remember that you are dust, and to dust you shall return’ is said only once ‘applying it to all in general.’ We will revert to the imposition of ashes on the forehead of the faithful,” bahagi ng guidelines na nilagdaan ni CBCP Episcopal Commission on Liturgy Chairman Bishop Victor Bendico.
“The sprinkling of ashes on the crown will remain an option. We have been reminded last year that this option is an ‘opportunity to catechize our people on both the penitential and baptismal characters of the Lenten season,” anito pa. (Jaymel Manuel)
DOH, nagpaalala sa mga kandidato at supporters na ‘wag magtanggal ng mask sa kampanya
Pinaalalahanan ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga kandidato para sa May 9 national and local elections, gayundin ang mga tagasuporta ng mga ito na huwag magtanggal ng face masks sa kanilang pangangampanya.
Ipinaliwanag ni Vergeire na nananatili pa rin ang COVID-19 virus sa bansa kahit pa ibinaba na ng pamahalaan ang COVID-19 Alert Level 1 sa National Capital Region (NCR) at 38 pang lungsod at mga lalawigan kaya’t dapat pa ring mag-ingat ang lahat.
“Gusto ko lang po ipaalala sa ating lahat na nandito pa rin po yung virus,” ani Vergeire sa isang media forum nitong Martes. “Alam po natin yung mode of transmission ng virus, maari pong droplet infection, na kung saan maaari kung kayo ay may sakit, maaari po in a matter of this distance makapag-transmit kayo ng impeksyon.”
“I just like to remind everybody, lahat po ng ating kababayan, including our candidates, including these individuals who are going in these campaign sorties, please always wear your mask. ‘Yan po ang pinakaimportante ninyong panangga kasama ang inyong bakuna para maproteksyunan ang inyong sarili at para maproteksyunan din po ang ating community,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, umapela rin si Vergeire sa mga local government units (LGUs) na tiyaking istriktong naipatutupad ang safety health protocols sa mga polling precincts sa mismong araw ng halalan.
Aniya, dapat na magtulung-tulong ang lahat upang walang maganap na superspreader events at mapanatili ang pag-iral ng pinakamababang alerto sa COVID-19.
“Magtulong-tulong po tayo para po wala tayong superspreader events and we can maintain and sustain this alert level na mababa at patuloy tayo sa ating new normal,” pahayag pa ni Vergeire.
Ang NCR at 38 pang lugar ay nakasailalim na sa Alert Level 1 simula Marso 1 hanggang 15, 2022 dahil sa patuloy na paghusay ng COVID-19 situation sa bansa. (Jantzen Tan)