TINIYAK ni Aksiyon Demokratiko Presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno nitong Miyerkules na libreng mangampanya sa lungsod ng Maynila ang lahat ng kandidato, nang hindi inaalala ang pulitika.
Inulit ni Moreno ang naturang pahayag na una na niyang sinabi noong nakaraang buwan, matapos na hindi matuloy ang kanyang planong motorcade sa Caloocan City kamakailan nang bawiin ni Mayor Oca Malapitan ang permit na inihain nila noong nakaraang linggo, at una naman nitong inaprubahan
“Welcome po kayo sa Maynila. Punta po kayo dito, mangampanya po kayo dito. Sa akin nyo na po mismo narinig. Meron na po kayong libreng permit. Eto na po, sinasabi ko na, di na kayo kailangan mag-apply ng permit. Mag-motorcade po kayo, mag-entablado, di kayo makararamdam ng anuman,” pahayag pa ng alkalde.
“Para wala na tayong chismis o wento na walang wenta, go ahead, umikot kayo, mangampanya kayo, eto na po permit para mabura sa isipan ‘yung mga gagawa ng kwento,” dagdag pa niya.
Nauna rito, hindi natuloy ang planong motorcade ng alkalde sa Caloocan City matapos na bawiin ang kanilang permit para dito.
“Tumawag kami sa MMDA (Metro Manila Development Authority). Eh ‘yun pala nasabihan na nila yung MMDA din, ng Caloocan, ng city of administrator na binawi na raw nila ‘yung permit dahil nagkaka-traffic daw. Eh sana naman di na nila binigyan muna,” ani Lito Banayo, campaign manager ni Moreno.
“So siyempre hindi mo maaalis sa amin mag-isip na local politics ang maaaring dahilan dahil ang kandidato ng Aksyon Demokratiko ay si Congressman Egay Erice para mayor ng Caloocan, samantalang ang incumbent mayor, kaibigan kong si Oca Malapitan, ang anak niya tumatakbo,” aniya pa. (Baby Cuevas)