Latest News

Mga kakandidato sa 2025 polls, binalaan ng Comelec laban sa sindikatong sangkot sa extortion

By: Jaymel Manuel

Binalaan kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga aspirante para sa 2025 National and Local Elections (NLE) na maging vigilante laban sa mga sindikatong umano’y sangkot sa pangingikil ng pera, kapalit ng alok na madaling pagkapanalo sa nalalapit na halalan.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, may na-monitor silang ilang indibidwal sa ilang lugar sa Luzon at Mindanao na nagpapanggap umano na may kakilala mula sa Information Technology Department ng poll body at humihingi ng hanggang P100 milyon kapalit nang pagkapanalo nila sa halalan.

Pang-akit aniya ng mga sindikato na hindi na kailangan pang mangampanya ng mga kandidato dahil tiyak na ang panalo nila.

“Sa mga kakandidato, whether incumbent o hindi, may kumakalat po ngayon na mga sindikato na umiikot na kaya daw nila kayong panalunin in a matter of minutes. Kahit daw kayo’y pumikit na at hindi na mangampanya at hindi na mag-ikot ikot ay panalo na,” ani Garcia, sa panayam sa radyo.

Babala pa niya, “Ang strategy ng mga ‘yan ay magpapa-advance kasi ‘yung kabila, ‘yung kalaban ninyo ay gusto na magbayad ng buo. ‘Eh siyempre mas pabor kami sa inyo, eh baka puwede mag-advance ka na dahil kayo ang napipisil namin na dapat na mayor dito.’ Sabihin na nag-advance ka ng P10 milyon tapos umaasa ka na wala na, sitting pretty, eh natalo ka ngayon. Oh, papaano mo hahanapin ang mga tao na ‘yun?”

Nilinaw rin naman ni Garcia, na walang katotohanan ang alok na ito ng mga naturang sindikato.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Garcia na kaagad silang makikipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa naturang isyu.

Nangako rin ang poll chief na tutulong sila sa mga legal proceedings laban sa mga naturang sindikato, sa sandaling maaresto na ang mga miyembro nito.

Paniniguro pa niya, “Sana kapag ‘yan lumapit sa inyo, arestuhin nyo agad at tutulong kaming i-prosecute ang mga taong ‘yan.”

Tags:

You May Also Like

Most Read