Binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kakandidato sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na iwasang masangkot sa premature campaigning o maagang pangangampanya.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maaari lamang na mangampanya ang mga kandidato sa official campaign period para sa halalan na itinakda sa Oktubre 19-28.
Paliwanag ni Garcia, ang premature campaigning ay may katumbas na kulong na isa hanggang anim na taon at diskuwalipikasyon.
“Bawal umikot. ‘Yung pamimigay ng ayuda na wala namang ayudang dapat ipamigay at hindi naman regular na ginagawa ay pangangampanya na ‘yan,” aniya pa sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo nitong Martes.
Batay sa calendar of activities na inilabas ng Comelec, magsisimula ang election period sa Agosto 28.
Sa nasabing araw, magsisimula na rin ang gun ban at public works ban, gayundin ang social services ban, maliban na lamang kung may exemption mula sa poll body.
Maaaring maghain ng certificates of candidacy (COC) ang mga kandidato mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2.
Ang election day naman ay nakatakda sa Oktubre 30.