Latest News

Peoples Tonight Online

TONG COLLECTION SA VENDOR AT TRAFFIC NG MGA TAO NI ISKO, IBINULGAR NI SOJ REMULLA

By: Bernie Ang

Talaga namang masasabing ‘one for the books’ o isang kakaiba at mabigat na pangyayari ang viral video ni Secretary of Justice (SOJ) Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na lumitaw kamakailan lamang sa social media.

Biruin n’yo ba naman na isang mataas na opisyal ng national government na may mataas na uri ng kredibilidad at reputasyon na kagaya niya ay magbulgar ukol sa pagkakaroon ng isang ‘syndicate’ o sindikato ng mga kailigalan sa Maynila?

Sa nasabing viral video na ipinakita sa inyong lingkod, ni hindi nagdalawang-isip si Sec. Remulla sa kanyang mga binitawang salita.


Diretsahan niyang inihayag na may sindikato ng mga iligal sa Maynila at ito ay pinamumunuan mismo ni ex-Mayor Isko Moreno na, ayon sa kanya, ay walang kuntento.

“‘Yung mga sindikato sa Maynila, ‘yung koleksyon ng mga ‘tong’ sa Maynila ay talagang hinawakan pa rin ng mga bata ni Isko. Dumarating sa atin ‘yan, di ba? Pinabayaan niya na magtuloy-tuloy ‘yung ligara. Walang nawala… gusto mas marami pa. Ayun, hindi nakuntento pa rin,” ang direktahang pahayag ni Sec. Remulla.

Isang batikang abogado si Sec. Remulla na naglingkod na din sa maraming uri ng posisyon, lokal man o national, kaya 100 porsyentong sigurado na may basehan ang kanyang mga tinuran. Matapang siya, responsable at may malakas na paninindigan lalo na laban sa anumang uri ng katiwalian sa paggo-gobyerno.

Siguradong may pinanghahawakan itong matibay na katibayan at di mapapasubaliang sources na siyang naging batayan ng kanyang mga ginawang pagbubunyag. Wala sa tipo niya ang magsasalita nang walang sapat na basehan.


Ang kanyang ibinunyag na sindikato ng iligal na koleksyon sa Maynila ay isang bukas na lihim sa mga taga-lungsod subalit walang may sapat na lakas ng loob na ito ay ibunyag.

Sa totoo lang, nabalitaan ko pa nga na isa sa mga matinding dahilan ng ikinagalit ni Isko kay Mayor Honey Lacuna ay nang aksyunan ni Mayora ang reklamo ng mamamayan ukol sa mga iligal na vendor sa isang parte ng Divisoria.’

‘Yun pala, kumokolekta ang mga tao ni Isko doon kahit matagal nang tapos ang kanyang termino.

Kahit pa ipagkaila ni Isko na may kinalaman siya sa mga iligal na koleksyon sa mga iligal na vendor, mahirap paniwalaan na walang basbas niya ang pinaggagagawa ng kanyang mga tauhan. Imposible rin na walang nagpaparating nito sa kanya.


Bakit kanyo? Alam naman kasi sa buong lungsod na kunsintido ni Isko ang gawaing ito ng kanyang mga tauhan nung siya pa ang nakaupong alkalde at sa katunayan, marami ang umiiyak sa taas ng ‘tara’ na tipong sila na ang ipinaghahanap-buhay ng mga kaawa-awang manininda.

Ngayong ibinulgar na ito mismo ni DOJ Secretary Remulla, maliwanag na bumalik na din kay Isko lahat ng pinaggagawa niya.

Hindi lamang koleksyon sa vendors ang pinag-uusapan at binanggit ni Sec. Remulla kundi maging iligal na koleksyon din mula sa traffic mula nang maupong mayor si Isko at maging hanggang sa siya ay hindi na mayor.

Hindi maaring sabihing pinupulitika lamang ni Sec. Remulla si Isko dahil wala itong kinalaman sa pulitika sa Maynila at di naman ito natakbong alkalde.

Imposible rin na ito ay madiktahan ng sinumang kalaban ni Isko. Napakalaking tao ni Sec. Remulla para madiktahan ng kahit na sino pa man at wala din sa karakter nito ang magpagamit kahit kanino para lang sa pulitika.

Isa lang ang maliwanag. Totoo ang mga sinasabi niya dahil wala naman siyang mapapala para ibunyag ang sindikato ng mga iligal na koleksyon ni Isko sa Maynila.

Para naman kay Isko, bumabalik lamang sa kanya ang kanyang mga pinaggagawa. Talagang walang lihim na hindi mabubunyag.

Tags: bernie ang, vantage point

You May Also Like

Most Read