Nilinaw ng pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes na hindi nila sasampahan ng kasong kriminal ang mga gurong umurong o nag-withdraw sa pagsisilbi bilang board of election inspectors (BEIs) sa katatapos na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kinikilala nila ang pagsisikap ng mga guro at itinuturing ang mga ito na bayani kaya’t wala aniya silang planong sampahan ng kaso ang mga ito.
Binigyang-diin pa ni Garcia na kung mayroon mang dapat na kasuhan ay ang mga taong nananakot sa mga guro.
“Hindi talaga ako inclined na mag-file ng criminal cases against these teachers. Bakit? Magse-serve uli sila sa mga susunod eh,” paliwanag pa ni Garcia.
“Yung criminal, parang napakabigat kasi ng criminal cases na ito na nga lang ang ibinigay na honoraria, tinakot pa sila, hanggang ngayon maaaring tinatakot pa rin sila, kakasuhan pa namin. Ang dapat kasuhan ‘yung nananakot.”
Dagdag pa ni Garcia, nais lamang nilang imbestigahan ang rason ng pag-urong ng mga guro upang hindi na maulit ito sa susunod na halalan.
Nais rin aniya nilang matukoy kung tinakot ba ang mga guro kaya’t nag-withdraw ang mga ito.
Gayunman, ipinauubaya na ni Garcia sa Department of Education (DepEd) kung kailangang sampahan ng kasong administratibo ang mga ito.