KAILANGAN muling magsakripisyo ng mga guro na mamamahala sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 2023 makaraang labis na bumaba ang hinihinging dagdag na pondo ng Commission on Elections (Comelec) sa Senado.
Ito ay makaraang dumausdos sa P2.7 bilyon na lamang ang hinihingi ng Comelec para sa pagdaraos ng naturang halalan mula sa dating P10 bilyon, sa pagdinig sa 2023 budget ng komisyon kahapon.
Dahil dito, hindi umano maibibigay ng Comelec ang pagtataas sa honoraria sa P10,000, P9,000 at P6,000 at mananatili sa dating P6,000, P5,000, P4,000 at dagdag na P1,000 transportation allowance.
“We were able to reduce the amount that we will be needing for the barangay and SK elections.We will be needing P2.765 billion instead of the original P10 billion we proposed,” saad ni Comelec Chairman George Garcia.
“Lahat ng BEI (Board of Election Inspectors) ay kulang 1 million, kung meron tayong 228,000 precincts times 3 kasama pa ibang maglilingkod sa barangay canvassers,” dagdag pa niya.
Dahil limitado ang budget, gagawin ding 600 botante ang assigned sa kada presinto, at mas maiksi ang voting hours na gagawing mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. (Jaymel Manuel)