NANAWAGAN ngayon ang International Committee of the Red Cross sa naglalabang Israel at Palestine na pansamantalang itigil ang kanilang putukan at bigyang-pansin ang kapakanan ng mga sibilyang nadamay sa kanilang digmaan.
Pinangangambahan ngayon ng ICRC na maging mga morgue na lamang ang mga hospital partikular sa Gaza dahil sa kawalan ng supply at kuryente.
“Hospitals risk turning into morgues without electricity; hostages must be released immediately,” panawagan ni Fabrizio Carboni, ang regional director ng Near and Middle East para sa International Committee of the Red Cross.
“The human misery caused by this escalation is abhorrent, and I implore the sides to reduce the suffering of civilians,” ani Carboni.
Sinasabing baka mauwi na lamang sa pagiging morgue ang mga hospital dahil sa kawalang ng power supply sa Gaza. Sa pagkawala ng kuryente sa Gaza, nawalan din ng power ang mga hospital kaya nasa peligro na ngayon ang mga bagong silang na sanggol na nasa mga incubators, maging ang mga matatandang naka depende sa oxygen.
Tigil din umano ang mga Kidney dialysis machine, imbalido na rin ang mga X-rays dahil hindi rin ito magagamit sa kasagsagan ng giyera. “Without electricity, hospitals risk turning into morgues,” ani Carboni.
Nabatid na wala na ring makuhang tubig ang mga pamilya sa Gaza. Wala umanong magulang na gustong painumin ng maruming tubig ang kanilang mga anak.
Maging ang mga Israeli families ay nag-aalala sa kanilang mga mahal sa buhay na ginawang hostage ng Hamas militants. Paalala ng ICRC na ang pagbihag sa mga sibilyan at pag-hostage ay ipinagbabawal sa ilalim ng international humanitarian law, kaya kailangang pakawalan na agad ang kanilang mga bihag.
Nabatid na nakikipag-ugnayan na ang ICRC sa Hamas at maging sa Israeli officials para matugunan ang pinangangambahang problema ng mga sibilyan .
‘As a neutral intermediary ,we stand ready to conduct humanitarian visits; facilitate communication between hostages and family members; and to facilitate any eventual release,’ anang ICRC.
Una nang nagbabala ang Israel na tuloy- tuloy ang kanilang pag-atake sa Gaza Strip hanggang hindi pinalalaya ng Hamas militants ang lahat ng Israelis na kanilang dinukot.
Ang nasabing banta ay kasunod ng apela ng Palestine envoy sa United Nations na pagkalooban ng humanitarian aid ang mga naninirahan sa Gaza.














