Latest News

Mga depositor sa bangkong pag-aari ng pamahalaan, hinamong manindigan laban sa MIF

By: Arsenio Tan

Nanawagan ang isang opisyal ng Church People’s Solidarity (CPS) sa mga naglalagak ng salapi sa mga bangkong pag-aari ng pamahalaan na magkaroon ng paninindigan laban sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Inaasahan nang pagtitibayin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr, sa susunod na buwan, kasabay ng kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), ang MIF bill na naunang pinagtibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Iginiit ni Fr. Roel Gatchalian ng CPS na bukod sa walang pondo ang gobyerno ay umaabot din sa 14 na trilyong piso ang pagkakautang ng bansa.

“Palagay ko yung mga nag-deposito sa mga bangko na ‘yan dapat din silang magkaroon ng ‘say’. Kasi pera ‘yan, hindi natin alam kung sino-sino ang mamahala ng Maharlika fund,” ayon kay Fr. Gatchalian ng CPS.

Napag-alaman na kabilang sa pinagkasunduan ng dalawang kongreso ang paglalaan ng pondo sa MIF na magmumula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Land Bank of the Philippines.

Isa lamang sa konsolasyon sa isasabatas na panukala ang absolute prohibition na hindi kukunin ang pondo sa Social Security System, Pag-Ibig Fund at Government Service Insurance System (GSIS).

“Maaring meron silang magandang intensyon, pero hindi napapanahon at saka hindi naman yan ang priority. Ang paggagamitan pa naman ng Maharlika investment ay infrastructure. Mabagal yan and mabagal din ang return of investment,” ani Gatchalian.

Naniniwala si Gatchalian na hindi pa napapanahon ang pagkakaroon ng MIF dahil mas maraming dapat paglaanan ng pondo ang gobyerno tulad ng food security at karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.

Hindi rin umano kumbinsido si Fr. Gatchalian sa ‘urgency’ ng pagsasabatas ng nasabing panukala na aniya ay minadali.

Tags:

You May Also Like

Most Read