INUMPISAHAN na rin ng Bureau of Customs (BOC) ang inspeksyon sa mga bodega ng asukal sa Mindanao na bahagi ng aksyon upang malabanan ang ‘sugar smuggling’ sa bansa.
Unang nagkasa ng ‘suprise inspection’ ang BOC-Port of Cagayan de Oro kasama ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at Sugar Regulatory Administration sa bodega ng Crystal Sugar Company Inc. sa North Poblacion, Maramag, Bukidnon nitong Agosto 23.
Armado ng Letter of Authority at Mission Order, inikot ng inspection team ang bodega at natagpuan ang nasa kabuuang 466,142 bags ng asukal.
Sinabi naman ni Javier Sagarbarria, vice president ng Crystal, na nasa 66% ng mga asukal ay pag-aari ng mga magbubukid at mga traders. Kaya umanong magprodyus ng milling company ng halos 3 milyong bags ng asukal kada taon kung saan ang hatian ay 66% sa mga planters at 34% sa miller.
Nitong Agosto 24 nang salakayin ng BOC ang bodega ng BUSCO Sugar Milling Corporation sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon, at natagpuan ang nasa 110,674 bags ng asukal, kung saan 26,000 nito ay raw at ang nalalabi ay ‘refined’ na.
Ayon kay BUSCO Officer-In-Charge Ellen B. Villaflora, nasa 10,000-15,000 bags ng asukal ang inilalabas ng mga traders sa bodega para ideliber sa kanilang mga kliyente.
Tiniyak ng dalawang sugar mill company na ang kanilang mga produkto ay gawang lokal at siniserbisyuhan ang Northern Mindanao at Davao region.
Sa kabila nito, pagsusumitihin pa rin ang dalawang kumpanya ng mga dokumento na nagpapatunay na local sugar producer sila, kabilang dito ang Sugar Monitoring System Reports. (Jaymel Manuel)














