Mga Armas at Kagamitan ng CTG Nasamsam sa engkwentro sa Masbate

Camp Elias Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur – Dalawang araw nakalipas na makasamsam ng mga de kalibreng armas at mga pampasabog ang Spear Troopers sa lalawigan ng Sorsogon, muli itong nadagdagan matapos na makasagupa ng 2nd Infantry Battalion (2IB) ang teroristang grupo sa Barangay Magsaysay, Esperanza, Masbate, alas-6:45 ng umaga, nito lamang nakalipas na linggo.

Batay sa ulat na ipinadala ni Lt. Col. Orlando Ramos Jr., Commanding Officer ng 2IB, muli na naman silang nakatanggap ng impormasyon mula sa mga residente sa lugar tungkol sa presensiya ng Communist Terrorist Group(CTG).

Agad na tinungo ng tropa ang lugar upang beripikahin ang impormasyon at habang papalapit ay nakasagupa ng mga ito sa lugar ang nasa anim na armadong grupo na tumagal ng pitong minutong palitan ng putok.


Wala namang naitalang nasaktan sa tropa ng gobyerno habang patuloy pang inaalam sa bahagi ng CTG.

Samantala, kinumpirma naman ni BGen. Aldwine Almase, Commander ng 903rd Infantry Brigade, na matapos ang putukan, nasamsam ng mga sundalo ang ilang mga armas at kagamitan ng mga nagsitakas na NPA.


Kinabibilangan ito ng isang M653 at isang AR-15 assault rifles, isang kalibre .45, 21 cartridges para sa 5.56mm,18 cartridges para sa 9mm,dalawang short magazine para sa M16 rifle, at isang bandoleer.

Pagbibigay-diin ng opisyal na ang nasabing operasyon ay patunay lamang ng tuluy-tuloy nang pagkatalo ng CTG sa Bikol, dahil na rin sa walang tigil na operasyon ng mga sundalo at pakikipagtulungan ng mga Bicolano.


Ayon naman kay Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB), hindi na nga nagpapadaig sa takot ang mga Bicolano, kundi mas nangingibabaw na sa kanila ang galit sa CTG dahil sa mga karahasang ginagawa nito sa kanilang lugar.

“Ang pangyayaring ito ay patunay lamang na ang mga Bicolano ay hindi na kaya pang linlangin ng mga terorista. Ang kanilang galit ang siyang nagtutulak sa kanila upang ipagpatuloy ang pagpapaabot ng impormasyon sa otoridad. Kaya sa mga miyembro ng CTG, mas makabubuting sumuko na lamang kayo, dahil hindi niyo na kayang daanin sa magagandang salita ang publiko, mas gusto na nilang matuldukan ang problema sa insurhensiyang dala-dala ninyo (CTG),” ani MGen Luna.

Kung maalala, nito lamang nakaraang Linggo, walong matatas na dekalibreng mga armas, sari-saring mga bala, at mga pampasabog ang nasamsam ng tropa ng 22IB sa area ng 903rd brigade ng sumuko ang dalawang regular na NPA at ng isumbong ng mga Sorsoganon ang mga lugar na pinagtataguan ng mga ito. Ang mga tagumpay na ito ay patunay ng tuloy-tuloy na pagkatalo ng CTG sa katimugang rehiyon ng Bicol. (VICTOR BALDEMOR)

 

Tags: Communist Terrorist Group(CTG)

You May Also Like

Most Read