INALERTO kahapon ni Secretary of the Interior and Local Government Atty Benhur Abalos Jr., ang lahat ng kinauukulang mga ahensya sa ilalim ng DILG, para magsagawa at maghatid ng mga kinakailangang tulong sa mga kababayan naapektuhan ng nangyaring magnitude 6.8 earthquake sa malaking bahagi ng Davao Region kamakalawa.
Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ay inatasan ni Sec Abalos partikular ang Bureau of Fire Protection na magpadala ng mga tauhan para ma-assess ang mga pinsala sa mga gusali at iba pang imprastraktura, at maging ang mga medical teams para tulungan ang mga nasaktan dahil sa lindol.
Nabatid na nagdeploy ng 292 fire trucks, 17 ambulansya at 9 na rescue trucks at halos 1,800 na emergency personnel ang kagawaran na handang magbigay ng tulong anumang oras sa mga biktima.
Kasabay nito ay tiniyak ng kalihim na nakatutok ang mga local chief executives at kapulisan para siguruhin ang kaligtasan at alalayan ang ating mga apektado ng lindol.
Nananawagan din ako sa mga apektadong residente na patuloy na mag-ingat lalo na sa inaasahang mga aftershocks at sumunod sa abiso ng kanilang mga lokal na opisyal, panawagan pa ni Sec. Abalos.