Ipapalit ang pagdaraos ng “walk of Faith” sa tradisyunal na traslacion sa kapistahqn ng Poon ng Itim na Nazareno sa Enero 2023.
Ayon sa Minor Basilica of the Black Nazarene , magkakaroon ng Walk of Faith sa Enero 2023 bilang bahagi ng kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ayon kay Quiapo Church Attached Priest Fr. Earl Allyson Valdez, ipagpapaliban ang nakagawiang prusisyon ng Poong Nazareno pero isasagawa naman ang Walk of Faith sa Enero 8, 2023 , isang araw bago ang kapistahan ng Poong Nazareno.
“Kahit wala yung ating tradisyunal na prusisyon ay madaragdag sa ating mga schedule of activities yung Walk of Faith o Lakad Pananampalataya na gaganapin sa madaling araw ng January 8,” ayon kay Fr. Valdez sa panayam ng radyo.
Ayon pa sa pari , ito ay sisimulan sa pamamagitan ng Banal na Misa sa alas dose ng hatinggabi ng Enero 8 sa Quirino Grandstand na agad susundan ng Walk of Faith.
Isinasapinal pa umanoang rutang dadaanan mula grandstand patungong Quiapo Church.
Pinaalalahanan naman ni Fr. Valdez sa mga debotong lalahok sa Walk of Faith na magdala ng kandila at mahigpit na sundin ang ipatutupad na alintuntunin at protocols para mapanatiling ligtas ang kalusugan ng mananampalataya.
Napagkasunduan din ng Basilica at lokal na pamahalaan ng Maynila ang mahigpit na pagpatupad ng pagsusuot ng facemask ng bawat dadalo.
Nabatid na ikatlong taon na ito na walang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno dahil pa rin sa patuloy na banta sa kalusugan ang COVID – 19.
Sa halip na “pahalik”,pagbibigay pugay ang gagawin sa ilalagay na repika ng Poon Nazareno.
Magsasagawa rin ng 34 na.misa mula Enero 8 ng hapon hanggang sa gabi ng Enero 9 na ilalaan ng Basilica para sa Traslacion 2023 at si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Misa Mayor sa alas dose ng hatinggabi ng Enero 9 sa Quirino Grandstand. (Carl Angelo)














