“I AM happy and proud na ang susunod na mayor ng Maynila ay babae…Siya ang susunod na hahawak ng bandila.”
Ito ang inihayag ni Aksyon Demokratiko standard bearer, Mayor Isko Moreno, kasabay ng pagsasabi na ang pag-upo sa tanggapan ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang kauna-unahang babaeng mayor ng lungsod ay patunay lamang na mayroong pantay-pantay na oportunidad sa Maynila para sa lahat na hindi nababatay lamang sa kasarian.
“Pinatutunayan ng pamahalaang-lungsod ang pagkakapantay-pantay sa Maynila. As long as you are willing to serve, equal opportunity will be given whether in private or govt sector, ” pahayag ni Moreno sa ceremonial turnover ng newly-renovated Universidad de Manila-Henry Sy Campus CMIT Building sa Sta. Cruz, kung saan dumalo rin sina Lacuna, ang kanyang runningmate na si Congressman Yul Servo, UDM president Dr. Ma. Felma Carlos-Tria, division of city schools Superintendent Magdalena Lim at city engineer Armand Andres.
Sa nasabing okasyon, pinasalamatan ni Moreno ang pamilya ni Hans Sy, anak ni Henry Sy, para sa tulong na ibinigay nito sa pagkakaroon ng bagong gusali ang UDM, at sinabi rin nito na malayo ang mararating nito sa pag-abot ng pamahalaang lungsod ng adhikain nito na makamit ang de kalidad na uri ng edukasyon para sa mga Batang Maynila.
Ayon pa kay Moreno, si Lacuna ay kauna-unahan ding babaeng majority floorleader ng Manila City Council at kasalukuyang Presiding Officer ng Manila City Council na kanyang hinahawakan bilang first lady vice mayor din ng kabisera ng bansa.
“I am happy when I asked Manilans to give equal opportunity, tignan kakayanan at ‘wag ang kasarian at binigay nilang partner ko si Vice Mayor Honey na nataong doktora pa… pinakamabisang naging partner ko on top of the employees sa pandemyang ito,” sabi ng alkalde.
Idinagdag pa niya na: “Napakalaking bagay na doktora ang partner sa pagharap sa pandemyang ito. Kung alam nyo lang ang dedication niya (Lacuna). Sa kanya nga ako nagka-COVID eh.”
Ibinahagi ni Moreno na noong tumira siya sa loob ng tatlong sunod na buwan nang 24/7 sa Manila City Hall noong kasagsagan ng pandemya, siya at si Lacuna ay nagkikita araw-araw at pinaghahandaan ang mga hakbang na gagawin kinabukasan laban sa COVID-19.
Sinabi pa ng alkalde na ginigising siya ni Lacuna nang alas-6 ng umaga para sa breakfast briefing kung saan naglalatag na sila ng plano hanggang sa abutin ng dis-oras ng gabi at inaasahan na maipatutupad din kaagad ni Lacuna ang kanilang plinano kinabukasan.Lahat ay kanilang pinaplano at pinaguusapan ng husto ni Lacuna habang himbing sa tulog ang buong lungsod ng Maynila.
“Whatever we have right now, wherever we are right now, kung anuman ang maliit naming napagtagumpayan, siya (Lacuna) po ay bahagi ng lahat ng iyon,” ayon pa kay Moreno.
Samantala ay kinilala rin ng alkalde ang ginawa ng yumaong Manila Mayor Fred Lim, na siyang nagtatag ng City College of Manila (ngayon ay UDM na) upang tanggapin ang mga hindi pasado sa kwalipikasyong itinakda ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), partikular na ang mga ordinaryong mag-aaral n Maynila. (TSJ)