INIWAN nang milya-milya ni Asenso Manilenyo Mayoral candidate na si Vice Mayor Honey Lacuna ang kanyang mga kalaban para sa isang sure win sa darating na May election, batay sa pinakahuling survey na ginawa ng Publicus Asia para sa mga kandidato sa National Capital Region.
Kasabay nito ay tiyak na din ang panalo ni Manila Congressman Yul Servo (3rd District) na patuloy ding malaki ang lamang sa mga kapwa kandidatong bise alkalde ng Maynila.
Sa nasabing ulat, nakuha ni Lacuna ang mayorya ng mga respondents sa survey, kung saan napakalayong pumapangalawa si Alex Lopez na may 13 percent, sumunod si Amado Bagatsing na may 9 percent, Onofre Abad 7 percent at Christy Lim, 6 percent.
Ayon pa sa nasabing survey firm, sa vice mayoral race sa NCR ay mas ‘challenging’ kung saan 11 sa 17 lungsod ay kinukunsidera bilang “battlegrounds” ng mga pollsters
Sinabi ni Lacuna na sa kabila ng ipinapakita ng mga independent at internal surveys na patuloy ang kanyang pangunguna na may malayong kalamangan sa mga kalaban ay magpapatuloy ang pangangampanya niya at ng Asenso Manileno team upang matiyak ang tagumpay nilang lahat.
Determinado umano si Lacuna at ang lahat ng kanyang mga kasamahan sa tiket na ipagpatuloy ang mga benepisyo na kasalukuyan ng pinapakinabangan ng mga residente ng Maynila, lalo na ang mga nasa ilalim ng social amelioration program na sinimulan nila ni Mayor Isko Moreno noong 2019 pa.
Tiwala rin si Lacuna na sa ilalim ng pamumuno ni Moreno bilang susunod na Pangulo ng Pilipinas ay mapapakinabangan ang mga benepisyo ng lahat ng Pilipino sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang pamahalaang-lokal ng Maynila ay nagbibigay ng buwanang financial assistance sa senior citizens, university students, solo parents at persons with disability (PWDs)
Sa ilalim din ng pagpapatakbo nina Moreno at Lacuna, ang lahat ng health services sa anim na ospital na pinatatakbo ng pamahalaang-lokal gayundin ang edukasyon sa city-run universities ay manatiling libre sa ilalim ng Lacuna-Servo administration.
Sa lahat ng mga tumatakbo sa pagka-alkalde at bise-alkalde sa Maynila, tanging ang Lacuna-Servo tandem lamang ang may kumpletong tiket mula sa Congressman hanggang sa anim na konsehal para sa bawat distrito ng Maynila.
Nabatid pa na may mga kandidato na tumatakbo bilang independent candidate ang idinidikit pa rin ang mga sarili kina Lacuna at Servo sa kanilang mga campaign posters sa kabila ng hindi sila opisyal na kabilang sa tiket ng Lacuna-Servo tandem. (Baby Cuevas)