Latest News

Ipinakikita ni Manila Barangay Bureau chief Romy Bagay ang mga kopya ng dalawang DILG order na nagbabawal sa mga harang sa kalye kabilang na ang mga barangay hall. (TSJ)

UTOS NG DILG NA NAGBABAWAL SA BARANGAY HALL SA KALYE, IPINATUTUPAD SA MAYNILA

SUMUNOD tayo sa itinatakda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at magsilbing mabuting halimbawa sa ating mga nasasakupan.

Ito ang panawagang ginawa ni Manila Barangay Bureau (MBB) Director Romy Bagay sa mga barangay chairman sa lungsod, kasabay ng pahayag na ang pagiging punong barangay kailanman ay hindi isang lisensiya upang gumawa ng labag sa atas ng national government at gawing personal na pag-aari ang mga kalsada.

Ang pahayag ni Bagay ay bunsod ng dumaraming reklamo ng mga residente at mga motorista ukol sa mga ‘obstruction’ o harang sa kalsada gaya ng mga barangay hall mismo, kung saan napagkakaitan ang mga ordinaryong mamamayan ng karapatan na magamit ang kalye nang naaayon sa dapat.


Partikular na ipinunto ni Bagay ang DILG order noon pang 2019 (Memorandum Circular 2019-121) na ibinatay sa direktiba mismo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), kung saan ipinagbabawal ang pagharang ng mga kalsada anumang oras.

Aniya, nasuspindi ang nasabing order nang magka-pandemya taong 2020 at nitong Nobyembre 2021, sa ilalim ng Memorandum Circular 2021-125 ay muling nag-isyu ng parehong order ang DILG para sa ‘road clearing’ na nakasasakop hindi lamang sa Maynila, kundi sa buong Pilipinas.

Sa ilalim ng kasalukuyang Alert Level 1 sa Maynila,”full implementaion” o mahigpitan ang atas ng DILG na pagpapatupad ng naturang order, lalupa’t halos wala nang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Nanawagan din si Bagay sa mga opisyal ng barangay na naglagay ng harang sa mga kalsada na huwag nang kaladkarin ang pulitika sa ginagawang pagpapatupad ng DILG order ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaang-lokal,


Ani Bagay, hindi makatwirang haluan ng kulay pulitika ang simpleng pagpapatupad sa DILG order dahil sa loob ng mahabang panahon ay kinausap na umano ang mga ito at pinagbigyan sa palugit na kanilang hiniling subalit hindi sila tumupad at ayaw sumunod sa atas ng DILG.

Ang mga kalsada aniya ay itinakda upang magamit ng mga tao at motorista, hindi para pagtayuan ng barangay hall sa gitna.

Binanggit pa ni Bagay na maging siya ay sumunod sa atas nang tanggalin ang kanyang barangay hall nung siya ay chairman pa sa Sampaloc. Gayundin umano ang ginawa ng iba pang kaalyado pa mismo ng pamahalaang-lokal na karamihan ay kusang-loob pang nagtanggal ng kanilang barangay hall na nakahaharang sa malayang daloy ng trapiko.

Idinagdag pa nito na may kanya-kanya namang budget ang mga barangay na maaring gamitin upang umupa ng maayos na lugar na hindi nakabalandra sa kalye, na siyang ginagawa ng maraming barangay chairman sa ngayon.


“Itong direktibang ito ay hindi lamang sa Maynila kundi sa lahat ng barangay sa buong Pilipinas at 2019 pa po itong order na ito, pansamantala lang na nahinto dahil sa pandemya. Sana po, ‘wag na natin itong lagyan ng bahid pulitika dahil ito po ay isa lamang pagsunod sa iniuutos ng DILG sa pag-clear sa mga illegal construction at obstruction sa mga kalsada,” pahayag ni Bagay. (Baby Cuevas)

Tags: Department of the Interior and Local Government (DILG )

You May Also Like

Most Read