By: JANTZEN ALVIN
Pumunta na sa National Bureau of Investigation (NBI) at nagsumite ng kanyang sinumpaang salaysay si Jeff Tumbado, dating executive assistant ng sinuspindeng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III, kaugnay sa alegasyon ng korapsiyon sa ahensiya.
Kasama ni Tumbado ang kanyang abogadong si Atty.Bernardo Masangkay, Jr. kung saan iginiit ni Tumbado na hindi nakarating ang korapsiyon sa Department of Transportation at Malakanyang .
“Kami po ngayon ay nag-submit ng sinumpaang salaysay na naayon po sa imbestigasyon na ginagawa ng NBI. At ‘yun lang po ang nangyari,” ani Masangkay.
Nabatid na nagkaroon ng mga katanungan ang NBI at ito ay nasagot naman lahat ni Tumbado.
Sinabi ni Tumbado sa kanyang binawing pahayag na tumawag sa kanya si Guadiz at nagmakaawa na linisin ang kanyang pangalan at reputasyon.
“Sa aming pag-uusap na hindi naiwasang mauwi sa iyakan, sa bandang huli ay nagkapatawaran at nangako ako sa kanya na gagawin ko ang aking makakaya para maibalik ang nabahirang integridad at pangalan ni Chairman Guadiz,”dagddag ni Tumbado.
Sinabi ni Tumbado na sa kabila ng kanyang paniniwala na hindi ligtas sa korapsiyon ang LTFRB , nakakatanggap lamamg umano siya ng mga ulat at hindi naman kumpirmado ang korapsiyon.
Base pa umano sa testimonya ni Tumbado,humingi siya ng pang-unawa sa publiko at kinauukulan dahil pagod na umano siya at nangangamba sa kaligtasan ng kanyang pamilya.
Samantala, sinabi ni Masangkay na ang mga aplikante ay nanunuhol sa mga empleyado ng LTFRB para sa mabilis na proseso ng kanilang prangkisa.
Tiniyak ni Masangkay na dadalo si Tumbado sa pagdinig na isasagawa ng kongreso kaugnay sa anomalya sa LTFRB sa Lunes.