Si Manila Mayor Honey Lacuna habang nakikipaghuntahan sa mga senior citizens.

TULOY-TULOY NA PAGGALANG AT PAGPAPAKITA NG PAGMAMAHAL SA MGA NAKATATANDA, IPINANAWAGN NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

“MASKI maliliit na bagay, gawin natin para sa ating mga nanay at tatay, lolo at lola at ‘wag nating kakalimutan na sila ay laging igalang.”

Ito ang apelang inihayag ni Mayor Honey Lacuna sa publiko nang pangunahan ang Lungsod ng Maynila sa pagdiriwang ng ‘Filipino Elderly Week’ simula October 1, 2024.

Sa kanyang mensahe sa regular flagraising ceremony sa City Hall, binigyang-diin ni Lacuna ang kahalagahan ng mga senior citizens at nanawagan ito sa lahat ng taga-lungsod na gawing tuloy-tuloy ang pagkilala at pagbibigay respeto sa mga nakatatanda sa lahat ng oras.


Nanawagan din si Lacuna sa mga senior citizens, lalo na sa mga kabataan, na iwaksi sa isipan na ‘pag matanda na walang pakinabang.’

Ani Lacuna, lubhang mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga nakatatanda sa pamayanan at tahanan, bilang pinagmumulan ng katalinuhan at mas malawak na kaalaman dahil na rin sa marami nilang karanasan sa buhay.

“Hindi po ko nanniwala diyan. Alam ho ninyo, napakahalaga po ng ating mga magulang, ng ating mga lolo at lola dahil sila po ang ating unang-unang sinasandalan, kung kaya’t ganun na lamang ang pagbibigay natin ng pagpapahalaga sa kanila.” saad pa ng alkalde.

“Maaring sa tingin ninyo ay maliit lang ang ating mga ginagawa, mga munting paraan para iparamdam na tayo ay nagmamahal sa kanila, pero alam n’yo, ang atin pong mga nakakatanda, itong mas maliliit na bagay ang pinahahalagahan nila. Mano ba naman na makapag-abot tayo sa kanila ng maliit na bagay,” dagdag pa ni Lacuna.


Higit sa lahat,ng iyan, binigyang-diin ng alkalde na ang dangal at respeto para sa mga nakatatanda ay dapat na patuloy sa araw-araw., kahit ano pa ang mangyari.

“Patuloy dapat ang paggalang sa kanila kasi minsan, nakakalimutan natin. Sa ganoong paraan, napaparamdam natin sa kanila ang tunay na pagmamahal at pagkalinga. Sa mga nanay at tatay, lolo at lola, lagi ninyong tatandaan na ang pamahalaang-lungsod ndgd Maynila ay lagi ninyong maaasahan,” pahayag pa ni Lacuna.

Samantala, pinasalamatan ng alkalde ang Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa pamumuno ni Elinor Jacinto sa lahat ng kanilang ginagawang pagtulong sa pamahalaang-lokal pagdating sa pamamahagi ng benepisyo sa may 203,000 senior citizens sa lungsod.

Ayon kay Jacinto, sa atas ni Lacuna, ang mga senior citizens ay binibigyan ng importansya sa lahat ng oras.


Bukod umano sa buwanang tulong pinansiyal na P500, ang mga serbisyo sa senior citizens ay kinabibilangan din umano ng lingguhang ‘Kalinga sa Maynila’ assistance gaya ng pag-proseso ng mga IDs at booklets, centenarian cash gifts, birthday cake, ‘Pamaskong Handog’ at iba pa.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read