Latest News

TRES-ANYOS NA BATANG LALAKI, NASAWI MATAPOS MASAGASAAN NG VAN

By: Baby Cuevas

Nasawi ang isang tatlong-anyos na batang lalaki matapos na masagasaan ng van habang tumatawid sa isang kalsada sa Tondo, Manila nitong Miyerkules ng umaga.

Ang biktimang si Khurt Jan Castillo, ng Solis Sreet, Tondo, ay namatay habang nilalapatan ng lunas bunsod ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Arestado naman at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspek na si Leonard Garbin ng Tandang Sora, Quezon City.

Ayon sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), dakong alas-10:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Solis at T. Bugallon Streets sa Tondo.

Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang biglang pagtawid ng bata sanhi upang masalpok siya at masagasaan pa ng isang paparating na van na may plakang PLI-520.

Ayon sa mga barangay officials sa lugar, bago ang insidente ay tumawid ang bata sa kabilang kalsada upang bumili sa tindahan.

Papauwi na umano ang biktima nang maganap ang aksidente.

Diumano ay tinangka pa ng suspek na tumakas ngunit naaresto rin nang harangin ng mga residente ang kanyang sasakyan.

Anang mga barangay officials sa lugar, ikinakatwiran ng driver na hindi umano niya napansin ang bata at hindi rin niya naramdaman na may nabundol at nasagasaan siya.

Desidido umano ang mga magulang ng biktima na ituloy ang kaso laban sa suspek upang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa anak nila.

Tags:

You May Also Like

Most Read