Latest News

TATLONG PINOY NA GINAWANG SCAMMER SA CAMBODIA, SINAGIP NG NBI

By: JANTZEN ALVIN

TATLONG Pilipino na kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki, na ni-recruit diumano bilang mga Customer Service Representatives pero puwersahang ginawang scammer sa Cambodia, ang sinagip ng National Bureau of Investigation (NBI) at tinulungan din na makabalik sa Pilipinas.

Napag-alaman kay NBI Director Jimmy Santiago na nakatanggap sila ng video message at mga larawan ng tatlong Pilipino na nagpapakitang may mga sugat sila sa iba’t-ibang bahagi ng katawan noong Marso 11,2025.


Sa nasabing video, nananawagan ang mga biktima kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tulungan silang makabalik sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.

Ayon pa sa mga biktima, noong Enero 2025 ay nakita nila sa online ang isang post na nag-aalok ng trabaho bilang Customer Service Representative sa Cambodia na may sahod na $1000USD.


Naengganyo umano silang mag-apply at tinawagan sila ng Filipino HR na nagta-trabaho sa loob ng isang casino sa Cambodia, kung saan sinabi sa kanila na babalikatin ng kompanya ang lahat ng kanilang gastusin papuntang Cambodia.

Nitong Enero 7, 2025 lamang umalis sa Pilipinas ang mga biktima at bumiyahe sa Cambodia sa pamamagitan ng backdoor. Isinakay umano sila ng eroplano hanggang Dipolog City at sumakay ng ferry papuntang Basilan at mula doon ay dinala sila sa Tawi-tawi kung saan muli silang isinakay ng ferry hanggang Sabah, Malaysia hanggang makarating sa Phnom Penh, Cambodia noong Enero 17, 2025.


Mula doon ay dinala umano sila sa isang compound na may maraming building na pinangangasiwaan ng mga Chinese nationals kung saan ay hindi sila pinapayagan na lumabas.

Sa halip na maging Customer Service Representative, binigyan umano sila ng cellphone kung saan pinagda-download sila ng social media applications gaya ng Signal, Twitter at Instagram. Kasunod niyan ay inatasan sila ng isang kapwa Pilipino na supervisor na i-scam ang mga matatandang dayuhan sa pamamagitan cryptocurrency.

Makalipas ang isang buwan, binigyan umano sila ng suweldo na $300 USD at nang nag-plano siilang lumipat ng ibang kumpanya ay dito na sila sinaktan ng ilang Chinese national.

Dinala sa DOJ-IACAT ang reklamo para sa kaukulang aksyon.

Noong Marso 14 ay nagpunta sa Cambodia ang mga tauhan ng NBI at sa tulong ng kanilang counterpart doon ay kanilang nasagip ang mga biktima noong Marso 16, 2025.

Tags: NBI Director Jimmy Santiago

You May Also Like

Most Read