NAGPASYA ang pamunuan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippine na i-activate ang Task Force Manila Shield para sa nakatakdang pormal na panunumpa sa tungkulin ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa June 30 sa National Museum sa Manila
Layunin din nito na maselyuhan ang mga lagusan papasok ng Metro Manila laban sa mga grupong posibleng magsagawa ng mga kaguluhan sa araw ng opisyal na inagurasyon ni PBBM.
Ito ay kasunod ng intelligence report na may mga militanteng grupo mula Tarlac ang nagbabalak na magsagawa ng mga pagkilos sa mismong araw ng panunumpa ni Incoming President Bongbong Marcos Jr.
Tinatayang aabot sa mahigit 15,000 security personnel ang magbabantay sa inagurasyon ni President-elect BBM kabilang ang puwersang naka paloob sa task Force Manila Shield na paganahin bago ang araw ng panunumpa ng pangulo.
Ayon kay PNP Director for Operations Major General Valeriano de Leon, pagaganahin nila ang Task Force Manila Shield upang masiguro ang maximum security kaugnay sa gaganaping makasaysayang okasyon sa bansa.
Bahagi ng nakalatag na security blanket ang pagpapatupad ng mahigpit na checkpoint at mga chokepoint lalo na sa mga lugar papasok ng Maynila at pagpapairal ng total gun ban simula sa June 27.
I-aactivate aniya ang Task Force Manila Shield dalawang araw bago ang inagurasyon.
Kinumpirma ni Mgen De Leon na aabot sa mahigit 15,000 na mga pulis, sundalo, coastguard personnel at mga force multipliers ang ide-deploy sa June 30 sa mismong National Museum at paligid nito para matiyak lang na magiging maayos at payapa ang makasaysayang okasyon.
Kaugnay nito, sinusubukan ng PNP na makipag-ugnayan sa mga iba’t ibang grupo na nagpaplanong magsagawa ng kilos-protesta para maging organisado at payapa ang kanilang gagawing rally.
Nilinaw muli ni Del Leon na pinapayagan lang ang mga raliyista sa mga identified Freedom Park pero kung sila ay lalampas sa mga lugar na ipinagbabawal ang rally nakahanda aniya ang mga pulis na rumesponde kasabay nang pagtiyak na paiiralin ang maximum tolerance sakaling may mga magpumilit na mga raliyista.
Sa kasalukuyan, walang serious threat na natatanggap ang AFP at maging ang PNP sa gaganaping inagurasyon ni President-elect Marcos Jr., maliban sa mga intelligence report hinggil sa mga grupong posibleng magsasagawa nang panggugulo.
Nabatid na tuloy tuloy ang ugnayan ng AFP, PNP at Philippine Coast Guard para sa June 30 inauguration day
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, “All systems go na para sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa kanilang pagbibigay ng seguridad sa nakatakdang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30.
Sinabi ni Commodore Armand Balilo na puspusan ang ginagawa nilang paghahanda kaugnay sa security operations katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matiyak na magiging mapayapa at ligtas ang inagurasyon ni PBBM.
Ayon kay Balilo, magpapakalat sila ng floating assets sa paligid ng National Museum maging sa Malacañang, mayroon din silang ide-deploy na barko sa Manila Bay at nakahanda ang kanilang reserved force saka-sakaling kailanganin ng PNP bilang augmentation sa kanilang civil disturbance unit.
Samantala, paiiralin din ang ‘no sail zone’ sa Pasig River at sa Malacañang restricted area habang sa Manila Bay ay maaari namang maglayag ang mga sasakyang pandagat. (VICTOR BALDEMOR)














