Tadtad ng bala ang katawan at nakatali ng “packaging tape” ang mga kamay nang mamataan ng isang concerned citizen,ang bangkay ng isang di pa nakikilalang lalaki, kamakalawa ng hapon sa Estero de Vitas,Tondo, Maynila.
Inilarawan ni PSMS Dennis Suba ng Manila Police District-homicide section ang biktima na nasa edad 25-30,may taas 5’5, may tattoo sa dibdib na “Mendoza” at “Austine” sa likurang bahagi ng katawan.
Nabatid na alas- 12:40 ng hapon nang makita sa Estero de Vitas sa may Mel Lopez Boulevard corner Rodriguez Extension,Tondo ni Ronald Cusa,Barangay Tanod, ang nakalutang na biktima.
Kaagad na ipinagbigay-alam ito sa pulisya at nang maiahon, nakita na may mga tama ng bala at nakatali ng packaging tape ang mga kamay ng biktima.
Patuloy na iniimbestigahan ang pagkakilanlan ng biktima na hinalang binaril sa ibang lugar bago itinapon sa estero. (Philip Reyes)