Latest News

Sugatan sa pagsabog sa laundry shop, lumobo sa 16

Lumobo pa sa 16 ang bilang ng mga taong nasugatan dahil sa naganap na pagsabog sa isang laundry shop sa Malate, Manila nitong Lunes ng gabi, na hinihinalang nag-ugat sa nag-leak na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG).

Batay sa ulat ng Malate Police Station 9 (PS-9) ng Manila Police District (MPD), kabilang sa mga biktimang pawang isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) ay sina Julius Opaque, 47; Marilyn Viray, 51; Clarence Cabrera, 28; Jimmy Cabrera, 33; Dionisio Aguinsatan, 51; Janine Aguinsatan, 31; at Jaille Fito, 43.

Naisugod naman sa Adventist Medical Center ang mga biktimang sina Ken Santos, 19; Ten Pizaña, 18; Freddey Boy, 46; Reuben Burgenio, 20; Ocena Larlena Shane Costaños, 17; Angel Vivas, 56; at Jose Luis Mattias Montila, 18.


Samantala, dinala sa Ospital ng Maynila ang mga biktimang sina Almonsor Panda Moro, 20; at Alyssa Paliwan Concha, 27.

Nabatid na ang mga biktima, na pawang mga personnel ng laundry shop, mga kostumer at tauhan ng restaurant at bilyaran na malapit sa laundry shop, mga boarders ng dormitoryo at isang napadaan lamang sa lugar, ay nagtamo ng mga paso sa katawan at mga sugat na dulot ng mga nabasag na salamin dahil sa pagsabog.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas- 7:20 ng gabi nang maganap ang pagsabog sa 360 Wash and Laundry Shop na matatagpuan sa 2223 F. Reyes St., kanto ng Noli Agno St. sa Malate, na pagma-may-ari ni Sofia Ana Maria Ascaño.

Nagulantang na lamang umano ang biktima nang biglang may sumabog sa loob ng laundry shop at nang tingnan ang kanilang mga sarili ay may nagaganap nang sunog at pawang duguan na sila.


Kaagad namang nagsilabas ang mga ito mula sa nasusunog na establisimyento upang makaiwas sa higit pang pinsala.

Mabilis rin namang nakaresponde ang mga tauhan ng Manila Fire Department upang apulain ang apoy, na naideklarang fireout dakong alas-7:34 ng gabi.

Ayon kay MPD Director PBGEN Andre Dizon, nagkaroon ng gas leak sa laundry shop na nagresulta sa pagsabog.

Nabatid na bago ang pagsabog ay nagpadeliber umano ng dalawang LPG tanks ang laundry shop para sa kanilang dryer. Gayunman, nadiskubre na isa lamang sa mga ito ang naikonekta, na posible umanong pinagmulan ng tagas.


Isang empleyado naman ng kalapit na restaurant ang nagsabi na bago pa ang pagsabog ay humingi na ng tulong sa kanila ang mga empleyado ng laundry shop dahil may nasusunog na umano sa loob kaya’t pinuntahan ito ng kanyang mga kasamahan.

Binalikan naman umano niya ang kanyang kostumer ngunit habang kinakausap ito ay naganap na ang pagsabog. Matapos ito ay hindi na umano niya alam kung ano ang mga sumunod na nangyari dahil nahilo na siya.

Nangako naman ang may-ari ng laundry shop na sasagutin ang gastos sa pagpapagamot ng mga biktima ngunit pinag-aaralan pa rin ng pamilya ng mga ito ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente. (Jantzen Tan)

Tags: Malate Police Station 9 (PS-9)

You May Also Like

Most Read