Si Mayor Honey Lacuna mismo ang mangunguna sa pagsisimula ng tradisyunal na “Simbang Gabi” hanggang sa Bisperas ng Kapaskuhan sa lungsod ng Maynila alas-7 ng gabi ng Huwebes, Disyembre 15.
Napag-alamang ang mga ‘anticipated mass’ na tinawag na “Simbang Gabi 2022” ay gagawin sa Kartilya ng Katipunan sa likod ng Bonifacio Shrine na ng Manila City Hall ganap na alas-7 ng gabi mula December 15 hanggang December 23 sa isang open-spaced na lugar.
Bago ang misa ay tinapos nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang pamamahagi ng Christmas gift boxes para sa senior citizens ng lungsod na umaabot ng 179,000 at kung saan ang gift boxes ay naglalaman tumbler, coffee at cookies.
Ang nasabing distribusyon ng mga regalo ay ginawa sa loob ng dalawang araw at sumunod lamang sa ’12 days of gift-giving’ na isinagawa para sa lahat ng pamilya sa Maynila, mahirap man o mayaman.
Sina Lacuna at Servo mismo ang nanguna sa pamimigay sa loob ng 12 araw ng mga Christmas food boxes sa lahat ng pamilyang naninirahan sa Maynila na umabot sa 695,000. Ang nasabing Christmas food boxes ay naglalaman ng Noche Buena items.
Tiniyak ng kauna-unahang lady mayor ng Maynila na lahat ng pamilya ay tatanggap ng food boxes, kahit na ano pa ang estado nila sa buhay at aniya, ginawa nila ito sa pamahalaang-lungsod upang tiyakin na walang pamilyang magugutom sa Kapaskuhan. (JERRY S. TAN)














