Dinakip ng Special Mayor’s Reaction Team(SMaRT) ang Isang 43- anyos na security guard na nangmolestiya diumano sa tatlo niyang stepdaughter, kamakalawa ng hapon sa loob ng World Center sa Gil Puyat Avenue,Makati City.
Ayon kay PMajor Edward Samonte,hepe ng SMaRT, ang suspek na si Mardy Sanchez, ng 49 Baliwag St.,Pinagbuhatan, Pasig City ay naaresto alas -4:30 ng hapon sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Pasig City Presiding Judge Carmencita V P.Lacandazo Logan,ng Br 12 na may petsang Marso 3,2023.
Ang warrant of arrest ay may kinalaman sa apat na counts ng kasong
Sexual Abuse under Sec. 5 (b) of R.A 7610 kung saan walang Inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Nabatid na bukod sa nabanggit na kaso ay may dalawa pang kaso ng rape ang nakasampa sa suspek na nakadetine sa SMaRT habang hinihintay ang disposisyon ng korte.
Sa rebelasyon ng magkakapatid kay Samonte,menor de edad pa lamang nang sila ay pagsamantalahan ng suspek noong 2007 hanggang 2010 matapos nitong pakisamahan ang kanilang ina.
Nakapagreklamo lamang umano sila laban sa suspek nang lumayas sila sa poder ng ina at dito nila nadiskubre na lahat sila ay minolestiya ng suspek.
Gayunman,napag-alaman na naghiwalay na rin ang kanilang ina at ang suspek noong 2015 at nakisama ang suspek sa ibang babae. (JERRY S. TAN)