INANUNSIYO ni Congressman Joel Chua (3rd district, Manila) na ang kanyang tanggapan ay nagbibigay ng libreng legal advice at basic legal documentary assistance para sa mga residente ng third district na nangangailangan ng mga ito.
Ani Chua, ang kanyang tanggapan sa Quiapo na matatagpuan sa third district ng Maynila, ang siyang tumatanggap at nag-iipon ng mga legal queries o concerns mula sa mga residente, at batay sa kung ano ang pinaka-common concerns ay isinasagawa niya ang pagtalakay dito sa kanyang social media account.
Bukod sa legal consultations ay nagbibigay din ng libreng tulong sa legal documents ang tanggapan ni Chua patungkol sa affidavits, extra-judicial, notarization at SPAs o special powers of attorney.
Ani Chua, available ang mga nasabing tulong sa lahat ng oras liban na lamang sa mga kaso kung saan ang magkakalaban ay pawang taga-third district din, kung saan sinusubukan silang pagkasunduin na lamang.
Ang mga katanungan naman na idinadaan sa kanyang social media account ay tinatanggap din at inaasikaso nang’ first come, first served basis’.
Bilang isang abogado mismo, sinabi ni Chua na alam niyang magastos ang pagkonsulta pa lamang, kaya’t ang pagbibigay nito nang libre ay isa umanong maliit na paraan niya upang makatulong sa kanyang mga nasasakupan.














