Latest News

Pulis, sugatan sa sekyu

SUGATAN ang isang bagitong pulis matapos saksakin ng isang 41-anyos na security guard na umatake umano sa kanya habang nagmamando sa Police Assistance Desk (PADS),kamakalawa ng gabi sa harapan ng Sto. Niño de Pandacan Church sa Maynila.

Isinugod sa Ospital ng Maynila si Patrolman Jayson Cuarteros, nakatalaga sa Beata PCP ng Manila Police District-Police Station 10.


Nabaril naman ni Cuarteros ang suspek na si Ernesto Delorino, Jr. ,alyas Larry, 41, security guard ng Blue Cavalier Security Agency at taga #1503 J. Villanueva 5 St., Almanza Uno Las, Piñas City. Ito ay tinamaan sa tiyan at nakaratay rin sa naturang pagamutan.

Ayon sa imbestigasyon ni PCpl Lito Laurio, ng MPD-PS 10 naganap ang insidente alas- 11 ng gabi sa nabanggit na lugar.

Nabatid na nagmamando sa inilagay na PADS ang biktima kasama ang iba pang pulis nang atakehin ng suspek habang nakatalikod.


Sa kabila na may tama ng saksak, nagawa ni Cuarteros na mabunot ang kanyang service firearm at pinaputukan ang suspek na tinamaan sa tiyan.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis sa motibo ng pananaksak ng suspek sa biktima.


Narekober sa suspek ang patalim ginamit sa pananaksak sa biktima na ngayon naman ay nasa maayos nang kalagayan. (Carl Angelo)


Tags: Police Assistance Desk (PADS)

You May Also Like

Most Read