Hawak na ngayon ng Philippine National Police ang sinasabing suspek sa pagpatay sa pitong katao kahapon ng umaga, araw ng Martes, sa loob ng isang panaderya sa Antipolo City.
Sumuko ang suspek sa PNP headquarters sa Camp Crame, sa Quezon City ilang oras matapos ang malagim na ‘Antipolo massacre’ na ikinasawi ng pitong kalalakihang biktima.
Samantala, inihayag naman ng Rizal Provincial Police Office na sinisilip din nila ang ibang anggulo gaya ng posibilidad na may iba pang suspek sa pagpatay sa pitong indibidwal na natagpuang may mga saksak sa loob ng bakery sa Purok 1, Zone 8, Cupang, Antipolo City.
Sinasabing magkakatabi sa sala ang mga biktima at may iba na nasa kwarto nang pagsasaksakin umano ng suspek habang sila’y mahimbing na natutulog bandang alas- 6:00 ng umaga.
Nabatid na alas-8:00 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang barangay tanod tungkol sa pangyayari.
Agad namang nirespondehan ng mga awtoridad ang sumbong, kung saan lumabas sa paunang imbestigasyon na ang mga biktima ay pawang empleyado ng isang bakery at naninirahan sa mismong panaderya at biktima ng stabbing.#
Ginawa ni Provincial Director PCol. Felipe Maraggun ang pahayag sa harap ng ilang katanungan tulad ng kung paano niya napatay ang pito nang wala man lang sugat at palatandaan ng ‘struggle’ o panlalaban sa crime scene.
Inaalam din ng PNP kung natutulog ang mga biktima nang sila ay patayin.