Patay nang lumundag mula sa ika-5 palapag ng tinitirhang building ang isang lalaking Chinese national, matapos niyang buhusan ng binuhusan ng mainit na tubig at pagsasaksakin ang kanyang misis kahapon ng umaga sa kanilang tahanan sa 5th floor ng 1140 Pilipino Chinese Weidue Building sa Narra corner Algue Streets sa Tondo, Manila.
Sa ulat ni PCMS Joseph Kabigtingng Manila Police District -homicide section, agad na namatay ang suspek na si Anthony Sy, 43, na nakatira sa nabanggit na lugar na matapos na bumagsak habang ang misis nitong si Marie Jamie Sy, 44, na nakaligtas matapos nagtamo ng mga saksak at lapnos sa iba’t -ibang bahagi ng katawan.
Sinabi ng biktima sa pulisya na naganap ang insidente alas- 7:55 ng umaga sa loob ng kanilang nirerentahan na apartment.
Kasalukuyan umanong natutulog ang biktima nang makaramdam ng mainit sa kanyang katawan at nang imulat niya ang kanyang mata, nakita niya ang mister na may hawak na kutsilyo at kaagad siyang sinaksak ng paulit-ulit.
Bagama’t may tama na sa katawan ay nagawa ng biktima na makatakbo sa labas ng kanilang kuwarto at nagsisigaw para humingi ng tulong nguni’t nakorner siya ng suspek at muling pinagsasaksak hanggang sa dumating ang kanyang mga anak at tinulungan siyang makaalis sa lugar.
Habang papunta sa hospital, nakita ng mga anak ng biktima ang nagpapatrulyang pulis at isinumbong ang ginawa ng suspek
Mabilis namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Manila Police District -Police Station 2 pero nabigo sila na kumbinsihin ang suspek na sumuko at sa halip ay tumalon ito sa gusali.
Sinabi ng biktima na may ‘mental disorder’ umano ang suspek at umiinom ito ng gamot sa loob ng nakalipas na anim na taon bago naganap ang tangkang pagpatay sa kanya at ang pagpapakamatay nito.
Kasalukuyan namang nakaratay sa Metropolitan Hospital ang biktima.














