Patay ang isang 32- anyos na “pick-up girl” matapos na mabuwisit ang kanyang 19-anyos na customer dahil sa paulit-ulit na pagpapadagdag umano ng “bayad” ng biktima, kamakalawa ng madaling araw sa loob ng isang motel sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ni PCpl.Errhol Aguila ang biktima na si ‘Marilou’ ng Sta.Cruz, Maynila, habang arestado naman ang suspek na si Naif Imam,19,vendor, ng No. 398 Elizondo St., Quiapo.
Ayon kay Aguila, pinick-up umano ng suspek ang biktima at nagkasundo na mag-check inn sa Room 314 Astrotel Hotel sa Rizal Avenue,Sta.Cruz, Maynila, ala- 1:30 ng madaling araw.
Nagtalik umano ang dalawa at nang humirit ng panibagong ’round’ ang suspek ay nagpadagdag ang biktima ng P200, pero P70 lamang ang naidagdag ng suspek at nang muling humirit ng panibagong round ay hinihingi na ng biktima ang cellphone ng suspek.
Sa puntong ito ay nagalit na ang suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang agad na kamatayan.
Nabatid na narinig pa umano ng room attendant na si Jumel de Guzman, ang komosyon at sigaw ng babae na” huwag kuya, tama na po”.
Nang silipin ni De Guzman sa pintuan nakita niya ang duguang kamay ng suspek habang hawak ang isang kitchen knife na may 12 inches ang haba, kaya’t kaagad itong tumawag ng pulis at naaresto ang suspek.
Sinampahan ng kasong murder sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek. (Arsenio Tan)














