Hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga residente ng Maynila na magpa-rehistro sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Nanawagan din si Lacuna sa mga rehistrado na kumbinsihin ang mga miyembro ng kanilang pamilya, kamag-anak at kapitbahay na magparehistro na rin sa PhilHealth.
“Lahat ng benepisyo ng Philhealth, maibibigay sa inyo kung registered na po kayo,” ani Lacuna.
Samantala, inatasan ni Lacuna ang lahat ng health centers sa Maynila na tulungan ang mga residente sa kanilang PhilHealth registration.
Napag-alaman na nagsimula noong Pebrero 17 ang malawakan at sabayang citywide Philhealth registration sa 44 health centers ng Maynila, sa ilalim ng pangangasiwa ng Manila Health Department sa pamumuno ng hepe nitong si Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
Nais umano ng city government na maka-accommodate ng 300 indibidwal araw-araw kada health center.
Nabatid sa PhilHealth na may itinatayang 300K ang target nitong mai-rehistro sa Maynila. Ang registration ay alinsunod sa Universal Health Care law. (JERRY S. TAN)