IBINASURA ng Manila City Regional Trial Court ang petisyon ng kampo ng 10 akusado sa kasong pagpatay kay University of Santo Tomas law student Horacio “Atio” Castillo III na idismis na ang kaso.
Inilabas nitong Pebero 24 ni Manila RTC Branch 11 Judge Shirley Magsipoc-Pagalilauan ang desisyon niyang ibasura ang ‘demurrer to evidence’ na isinampa ng kampo ng 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity.
Kabilang sa mga nagsampa ng mosyon sina Jose Miguel Salamat, Joriel Macabali, Robin Ramos, John Audrey Onofre, Marcelino Bagtang Jr., Axel Munro Hipe, Mhin Wei Chan, Arvin Balag, Ralph Trangia, at Dannielle Hans Matthew Rodrigo.
Sa kanilang mosyon, iginiit ng mga akusado na nabigo ang kampo ng prosekusyon na mapatunayan ‘beyond reasonable doubt’ na ang dahilan ng pagkamatay ni Castillo noong Setyembre 2017 ay mula sa pinsala na natamo niya sa hazing.
Hindi rin umano napatunayan ng prosekusyon ang presensya ng lahat ng elemento ng paglabag sa anti-hazing law.
Ngunit ayon sa korte, napatunayan naman ng prosekusyon ang elemento ng krimen at iginiit na kredible ang testimonya ng saksing si Mark Anthony Ventura na miyembro rin ng naturang fraternity.
“After going over the grounds relied upon by the accused vis-à-vis the evidence presented by the prosecution, the court finds that there is sufficient evidence to sustain the indictment of the crime charged,” ayon sa desisyon ng korte. (Philip Reyes)