Pekeng ahente, kinasuhan ng NBI

Sinampahan ng patung-patong na kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking nagpanggap na ahente ng kagawaran matapos masangkot sa away- trapiko laban sa isang motorista.

Kasong usurpation of authority, grave coercion, at paglabag sa election gun ban ang isinampa sa suspek na si Ramil Bunagan Diez sa Department of Justice (DOJ).


Nabatid na si Diez ay nakita sa nag-viral na video na tinututukan ng baril at pinagbabantaan ang isang motorista sa isang away-trapiko sa Meycauayan City, Bulacan noong Mayo 8 , bisperas ng halalan.

Sa kabila na ang suspek ang nakarehistrong may-ari ng 10 armas base sa records ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office lumalabas na hindi siya inisyuhan ng ” permit to carry ” para sa anumang uri ng armas sa labas ng kanyang bahay.

Kinumpirma rin ng NBI Personnel Division na si Diez ay hindi nila empleyado.


Sa isinagawa ring beripikasyon sa Commission on Elections Anti-Graft Division, nalaman na si Diez ay hindi nag apply at walang exemption para magdala ng armas noong election gun ban. (Arsenio Tan)


Tags: National Bureau of Investigation (NBI)

You May Also Like