Latest News

PDEA WALA PANG REAKSYON SA UTOS NG DOJ; PNP, OK SA DESISYON NA KASUHAN ANG KANILANG MGA TAUHAN

TUMANGGI munang magbigay ng kanilang pahayag ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa naging kautusan ng Department of Justice na kasuhan ang kanilang mga tauhan at ilang pulis na sangkot sa “Commonwealth Misencounter.”

Ayon kay PDEA Public Information Office chief Director Derrick Carreon, wala pa silang hawak na kopya ng resolution na inilabas ng DOJ , kaya hindi muna sila makapagbibigay ng pahayag.


“ Wala pa po tayo kopya ng DOJ Resolution kaya hindi pa po tayo makakapag labas ng Statement. Hihintayin po namin na matanggap at mapag aralan ng aming Legal and Prosecution Service ang Resolution,” ani Director Carreon.

Isang ahente ng PDEA at isang asset nila ang nasawi sa nasabing insidente bukod sa isang police officer.

Bukas naman ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa rekomendasyon ng DOJ na pagsasampa ng kaso laban sa apat na pulis at tatlong tauhan ng PDEA na sangkot sa tinaguriang “Commonwealth misencounter”.


Sa inilabas na pahayag ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba, sa kautusan ng DOJ ay mapagkakalooban ng pagkakataon sa mga nasasakdal na ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte.

Ayon kay Alba, hahayaan na nila ang korte na magdesisyon sa kahihinatnan ng kaso laban sa mga pulis at maging sa mga ahente ng PDEA bilang bahagi ng due process.


Ang nasabing DOJ Resolution ay base sa sinagawang preliminary investigation sa nangyaring barilan sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at PDEA sa isang mall sa Commonwealth Avenue, na nagresulta umano sa misencounter noong Pebrero ng nakaraang taon, na naging sanhi sa pagkamatay ng apat na tao.

Ang mga ahente ng PDEA na sina Khee Maricar Rodas, Jeffrey Baguidudol atJelou Santiniaman ay kakasuhan ng homicide sa pagkamatay ni PCpl. Eric Garado.


Habang ang mga pulis ng QCPD na sina PCpl Paul Christian Gandeza, PLt Honey Besas, PMaj Sandie Caparroso at P/SMSG Melvin Merida ay kakasuhan ng direct assault dahil sa pananakit umano sa mga PDEA agents.

Magugunitang may isang PDEA agent din ang nasawi bukod sa sinasabing asset ng mga ahente sa nasabing engkwentro .

Kapwa nagpahayag ang dalawang panig na pareho silang mag isinasagawang anti drug operation sa lugar kaya hindi nagkakilanlan. (VICTOR BALDEMOR)



Tags: Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)

You May Also Like