NAGAWA pang i-record sa kanyang cellphone ng isang personnel ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ginawang pagbibigti,matapos ang mainitang pagtatalo sa kanyang girlfriend, kahapon ng madaling araw sa loob ng PCG Compound sa Gate 2 Parola ,Muelle dela Industria,Tondo,Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni PSMS Jayson Ibasco ng Manila Police District-homicide section,wala nang buhay ng makita ang biktimang si ‘Junior’ , 29, miyembro ng PCG at tubong Zamboanga Sibugay, ala 1:15 ng madaling araw malapit sa hagdanan ng PCG station.
Nabatid na huli umanong nakita ni CG ASN James Daryl Acaylar ang biktima dakong alas- 10 ng gabi habang ka-video call ang kasintahan na si ‘Grace,’ kung saan mainitang nagtatalo ang dalawa. Nakita rin umano na tumahimik at umupo sa hagdanan ang biktima.
Ilang oras pa ay nakatanggap ng text message si Acaylar mula sa kasintahan ng biktima na nakikiusap na puntahan ang nobyo at nag-aalala umano ito sa posibleng ginawa ng biktima.
Lumabas sa kanyang silid si Acaylar para hanapin ang biktima at dito niya nakita na nakabigti ang biktima gamit ang nylon cord.
Wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ang biktima maliban sa bakat ng bigti sa leeg nito. (Philip Reyes)














