Niyakap ni Manila Mayor Honey Lacuna ang isang lola na umakap sa kanya sa pagdating niya sa kanilang lugar, sa pagsisimula ng pamimigay ng Christmas gifts para sa mga senior citizens ng lungsod. (JERRY S. TAN)

PAMIMIGAY NG REGALO SA 179K SENIORS, SIMULA NA —MAYOR HONEY

Sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pamimigay ng mga Christmas gifts para sa mga senior citizens ng lungsod.

Ayon kay Mayor Honey Lacuna, ang pamimigay ay gagawin niya kasama si Vice Mayor Yul Servo-Nieto at ang makatatanggap ng Christmas gift boxes ay aabot sa 179,000 senior citizens.


Ang nasabing gift-giving activity ay isasagawa ng December 14 at 15, makaraang matapos nina Lacuna at Servo ang distribusyon ng food boxes na naglalaman ng Noche Buena items para sa bawat pamilya sa Maynila na umaabot sa 695,000 sa kabuuan.

Sinabi ng spokesperson ni Lacuna na si Atty. Princess Abante na ang Christmas boxes para sa senior citizens na naglalaman ng tumbler, cookies at coffee ay bukod pa sa pinamimigay na food boxes kada pamilya.

Ayon kay Abante, lahat ng senior citizens ay tatanggap ng Christmas box bawat isa, na ibig sabihin, kung dalawa ang senior citizen sa isang tahanan ay makatatanggap ng tig-isang gift box ang dalawang senior citizen na bukod pa sa tinanggap na Christmas food box ng nasabing bahay.


“This is the mayor’s simple gesture of appreciation and gratitude to the elderly population who have spent their most productive years contributing to the progress of the city,” ani Abante.

Ang administrasyon ng kauna-unahang lady mayor ng Maynila ay nakapaglatag na ng mga programang ang layunin ay pangalagaan ang kapakanan ng senior citizens, ito ay bukod pa sa palagian niyang paalala sa mga residente ng lungsod na alagaang mabuti ang kanilang magulang, mga lolo at lola.


“Asahan po ninyo ang patuloy na pagkalinga at pagmamahal na ipadarama natin sa Maynila para sa lahat ng ating nakatatandang Manilenyo. Muli po, happy mga minamahal naming nanay tatay lolo at lola,” sabi ni Lacuna.

Idinagdag pa nito na bukod sa patuloy na vaccination ng senior citizens sa tulong ng Manila Health Department sa pamumuno Dr. Poks Pangan, ang office of the senior citizens’ affairs o OSCA ay patuloy sa pagbibigay ng tinapay at gatas sa mga naga-apply ng senior citizen cards o IDs s tanggapan ng OSCA.


Si Lacuna, na isa ring doktor, ay patuloy ring nagdadala ng serbisyong medikal sa mga senior citizens lalo na tuwing mayroong “Kalinga sa Maynila” forum na ginagawa sa iba’t-ibang barangay.

Nagdadala rin ang alkalde ng mga wheelchairs para sa mga di na makalakad dahil sa katandaan at karamdaman, bukod pa sa nagsasagawa ito ng door-to-door visits upang malapatan agad ng lunas ang mga pasyenteng bedridden. Personal ding nagdadala ang alkalde ng gatas at medical assistance sa mga senior citizens at sa mga nangangailangan nito.

Nuong kasagsagan ng pandemya, ay hinarap ni Lacuna ang panganib na dala ng COVID-19 nang personal niyang bakunahan ang mga bedridden na mga residente na hindi kayang pumunta sa mga vaccination sites, dahilan upang siya mismo ay mahawaan ng COVID-19. (JERRY S. TAN)



Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like