PATAY ang isang 67 anyos appliance technician matapos pagbuntunan nang galit at panain ng isang 28 anyos suspek na umano’y pamangkin ng kilalang GMA at DZbb broadcaster at anchor Arnold Clavio na kanyang inawat habang inaaway ang isang barangay chairman, kamakalawa ng gabi sa Balut,Tondo,Maynila.
Kinilala ni PCpl Rodolfo Acosta,imbestigador ng Manila Police District-homicide section,ang biktimang si Dominador Fermano,taga 317 Rodriguez St.Balut,Tondo,Maynila na nasawi dahil sa tama ng “palaso” sa kaliwang dibdib.
Arestado naman sa isinagawang follow-up operation nina PLt.Adonis Aguila,hepe ng MPD-hs,ang suspek na si Michael Clavio,28,residente ng Bukid Paulino extension,Balut ,Tondo,Manila .
Sa imbestigasyon,nalaman na ang suspek ay dumating sa Barangay 144 , alas 8:02 ng gabi habang nanonood ng telebisyon sina Brgy.Chairman Raymundo Orellano at nang makita nito ang isang Letlet ay pinalo ng sinelas habang sumisigaw ng “Barangay ba to, Barangay ba to?”.
Kasunod nito ay umalis ang suspek at pagbalik ay armado ng pana na nakasukbit sa bewang.
Nang lapitan ni Orellano,ay pinana ito ng suspek pero masuwerteng nakailag ,kasunod nito pinana rin ang biktima na noon ay inaawat ang suspek na kaagad tinamaan sa kaliwang dibdib ng palaso.
Mabilis naman tumakas si Clavio nang bumulagta ang biktima sakay ng kulay orange na.motorsiklo habang dinala sa Tondo Medical Center ang biktima pero binawian rin ng buhay.
Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya at nadakip ang suspek sa kanyang lugar sa Balut,Tondo.
Nakadetine ngayon sa MPD-hs si Clavio at inihahanda ang pagsasampa ng kasong murder sa Manila Prosecutor’s Office. (Philip Reyes)














