Latest News

Si Mayor Honey Lacuna (kaliwa) habang inaasikaso ang isang senior citizen sa isang 'Kalinga sa Maynila' forum. Kasama niya sa larawan si barangay chairman Evelyn de Guzman. (JERRY S. TAN)

PAGLAGDA NI PBBM SA CENTENARIANS ACT AMENDMENTS, GOOD NEWS PARA SA MAYNILA

By: Jerry S. Tan

‘Good news.’

Ganito isinalarawan ni Mayor Honey Lacuna ang desisyon ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na lagdaan ang amendments sa Centenarians Act (Republic Act 11982), na aniya ay magandang balita para sa mga senior citizens sa Maynila.

“Good news ‘yan, dahil ang ating mga minamahal na senior citizens dito sa Lungsod ng Maynila ay kabilang sa mga tatanggap ng P10,000 cash gift mula sa national government pagsapit nila sa edad na 80, 85, 90, at 95 batay sa tagubilin ng bagong batas,” ayon kay Lacuna.

Aniya, mayroong 180,000 senior citizens sa Maynila base sa record mula sa Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa ilalim ni Elinor Jacinto.

Idinagdag pa nito na noon pa lang 2023, ay mayroong nang 23 centenarians na binigyan ng local government ng P100,000 cash gift alinsunod sa isinasaad ng batas.

Mismong si Lacuna ang personal na nagde-deliver ng nasabing halaga sa bahay ng mga centenarians.

Ayon sa alkalde, ang nasabing cash gift ay hiwalay pa sa P100,000 na ibinibigay ng national government sa mga centenarians.

Nangangahulugan ito na ang bawat isang senior citizen ng Maynila na umabot sa 100 taon ang edad ay nakatatanggap ng kabuuang P200,000 cash gift.

Ang senior citizens sa Maynila ay tumatanggap din ng monthly financial assistance na P500 bukod pa sa birthday cakes, senior Christmas boxes at buwanang alokasyon ng kanilang maintenance medicines.

Gaya ni Lacuna, naghayag ng parehong reaksyon si Congressman Joel Chua (3rd district) sa ginawang paglagda ni President Marcos, Jr. sa nasabing amendments, kasabay ng pahayag na umaasa umano siya na ang pagsama sa ‘updating’ ng OSCA database ng records sa Maynila ay tutugma sa records ng Philippine Statistics Authority, National Commission of Senior Citizens at iba pang concerned national government agencies.

Ayon pa kay Chua, na miyembro din ng House Committee on Economic Affairs, ang mga residente ng Maynila ay makikinabang sa Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act o Republic Act 11981 na nilagdaan din ni President Marcos kasabay ng sa centenarians.

“Dati nang sentro ng kalakalan at negosyo ang Maynila mula pa noong bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol. Kapag naipatupad nang maayos ng Tatak Pinoy Act, inaasahang mas lalakas pa ang mga produkto at serbisyong Pinoy, lalo na iyong mga itinatapat sa gawa ng ibang bansa, tulad ng electronics, highly-skilled professionals at specialists, artista, manunulat at mga produktong sakahan at pangingisda,” pahayag ni Chua.

Tags:

You May Also Like

Most Read