Ipinaliliwanag nina MTPB adviser/consultant Dennis Viaje, Manila Rep. Joel Chua (3rd district) and Manila Councilor and Liga ng mga Barangay President Lei Lacuna sa 'MACHRA's Balitaan sa Harbor View' ang sakop ng kapangyarihan ng pamahalaang-lungsod na magtakda ng parking areas, maging bangketa man. (JERRY S. TAN)

Paggamit ng bangketa bilang parking sa Maynila, legal at nasa ordinansa — MTPB

Legal at naka-base sa ordinansa aG pagtatalaga ng mga bangketa bilang paradahan ng sasakyan sa Maynila.

Ito ang binigyang-diin ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Adviser Dennis Viaje, kasabay ng pahayag na ang kapangyarihan na magtakda ng isang lugar bilang parking area ay nasa pamunuan na ng local government unit (LGU), partikular na ang executive department, na hindi umano humihinto sa paghahanap ng paraan upang mayakap ang patuloy na dumaraming bilang ng sasakyan sa lungsod.


Sa kanyang pagdalo sa ‘MACHRA’s Balitaan sa Harbor View’ ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), sinabi ni Viaje n ang kapangyarihan ng lungsod na magtakda ng lugar bilang parking ay nakapaloob sa Ordinance 8092, ang mismong ordinansa na siyang lumikha ng MTPB

“Ang pamahalaang-lungsod, iniisip kung paano maa-acommodate lahat dahil patuloy ang pagdami ng mga sasakyan pero ang mga kalye, di naman dumarami. ‘Yung mga bangketa na may naka-park na motor, may butas po sa gitna ‘yun kasi baka sabihin walang madaanan ang pedestrian. Kahit mas mataba sa akin makakadaan,” paliwanag ni Viaje.

Sinusugan naman ni Liga ng mga Barangay President at Manila Councilor Lei Lacuna ang pahayag ni Viaje na nagsabing ang LGU ay may karapatan na gumawa ng paraan tulad ng pagtatakda ng mga lugar na magsisilbing paradahan ng sasakyan.


“May mga barangay na puro iskinita, mayroong malapad so bawat chairman ay mayroong iba-ibang approach on how to deal with parking problems pero sinisigurado naming alinsunod sa batas,” ayon kay Lacuna.

Sa bahagi naman ni Manila Congressman Joel Chua (3rd district), na isa ring abogado at dating majority leader ng Manila City Council, ipinaliwanag nito na ang LGU ay may kapangyarihan na i-regulate ang mga kalsada at sa paraan ng pagre-regulate dito, “diyan papasok ang ordinansa, ang police power of legislation which is the council, to state alin ang puwede at di pupuwedeng paradahan.”


Sa ilalim ng city ordinance na nagsasaad ng mga tungkulin ng MTPB, sinasabi na ang kawanihan ay maaaring mag-establish, mag-operate, mag-mantina o mangasiwa ng mga terminal, parking facilities at bicycle paths, kabilang na ang pagkulekta ng user fees at charges.

“As long as nasa ordinansa, ‘yan ay ibinibigay ng batas. Kung me gusto magtanong, pwede kwestiyunin pero dapat kuwestiyunin muna ‘yung ordinansa na nagbibigay -kapangyarihan sa siyudad para magbigay ng parking,” pahayag ni Chua patungkol sa mga aniya ay kumukwestyon sa awtoridad ng pamahalaang-lokal sa paggamit ng bangketa bilang parking areas. (JERRY S. TAN)


Tags: Manila Rep. Joel Chua (3rd district) and Manila Councilor and Liga ng mga Barangay President Lei Lacuna, MTPB adviser/consultant Dennis Viaje

You May Also Like

Most Read