Mismong si Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa mga opisyal at residente ng Maynila sa pagbati at pag-awit ng birthday song para kay President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa okasyon ng kaarawan nito noong September 13, 2023 mismo.
Bago simulan ang “Kalinga sa Maynila” barangay forum nang araw na iyon sa Lorenzo dela Paz Street, Pandacan, District 6 ay hiniling ni Lacuna kina Congressman Bienvenido Abante at sa mga sixth district Councilors na sina Philip Lacuna, Lou Veloso, Fog Abante, Elmer Par at Caloy Castaneda na umawit ng birthday song para kay President Marcos, Jr.
Ang mga residente ng Barangays 837, 839 at 840 ay nakisama rin sa pag-awit ni Lacuna at mga city officials na naroroon padra sa ugnayan.
Bago ang kantahan ay sinabi ni Lacuna sa mga residente na si President Marcos, Jr. mismo ay kanilang kapwa residente rin sa sixth district at ito ay sa loob ng anim na taon. Ang nasabing bilang ay ang haba ng kanyang termino bilang Pangulo ng bansa at ang Malacanang, na siyang opisyal na tirahan ng sinumang nakaupong Pangulo, ay matatagpuan sa San Miguel, Manila na sakop ng District 6.
“Ano ba meron ang araw na ito? Espesyal di ba? Baka po pwede bago tayo magsimula ay kantahan po natin siya. Baka marinig niya kasi para po sa kaalaman ninyo, si Pangulong Bongbong Marcos po sa ngayon, sa loob ng anim na taon, ay taga-distrito 6 di ba? Saan ba ang Malakanyang? Sa San Miguel, sa District 6. Kaya kantahan po natin,” ani Lacuna.
“Happy, happy birthday po sa inyo mula sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ng alkalde matapos umawit ng birthday song.
Sinabi pa ng alkalde na dahil kaarawan ng Pangulo, ang activity sa kaarawan nito na “Lab for All” ay dinala sa “Kalinga sa Maynila” . Ang LAB for ALL o “Libreng Laboratoryo, Konsulta, at Gamot Para sa Lahat” ay isang medical caravan na inilunsad ni First Lady Liza Araneta-Marcos upang magbigay ng libreng laboratory services, x-ray, konsultasyon sa mga espesyalista at libreng gamot para sa mga pamayanan.
“Dinala rin po nila dito sa ating ‘Kalinga sa Maynila’ ‘yung tinatawag po nilang “Lab for All”. ‘Yan po ay ang pagkalinga ng atin pong Pangulo dito po sa Maynila,” pahayag ni Lacuna, kasabay ng paliwanag na ang Maynila ay nakikiisa sa iba pang mga lungsod sa pagdiriwang ng kaarawan ng Pangulo sa pamamagitan ng mga gawaing kaugnay ng nasabing selebrasyon .
Pinasalamatan ni Lacuna si Presidente Marcos at First Lady Liza Marcos dahil sa pagdadala ng naturang serbisyo sa Maynila kasabay ng pahayag na lahat ng klase ng tulong, basta para sa kapakinabangan ng mga residente ay laging ‘welcome’ sa Maynila.