Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang tinaguriang “Reyna ng Pelikulang Pilipino” at beteranang aktres na si Susan Roces ,kahapon ng umaga sa Manila North Cemetery sa Maynila.
Ang mga labi ni Roces ay inilagay sa tabi ng kanyang mister na si Fernando Poe, Jr. na tinagurian namang “Hari ng Pelikulang Pilipino.
Pasado alas-11 ng umaga nang dumating sa MNC ang funeral convoy ni Roces mula sa The Heritage Park sa Taguig City matapos ang isinagawang misa doon.
Ayon sa Manila Police District (MPD), may 290 pulis ang nagbigay ng seguridad sa MNC.
Nakaw-eksena ang pagsulpot ng isang ahas sa isang nitso, dahilan para.magulat at mapasigaw ang ilang nakikipaglibing, habang naga-alay na ng bulaklak ang mga kaanak ng aktres sa pangunguna ni Senator Grace Poe.
Ayon kay PMajor Philipp Ines, hepe ng MPD Public Information Office (PIO), naging mapayapa at maayos naman ang naganap na paglilibing sa aktres.
Itinataya ng MPD na nasa 250 ang bilang ng mga tao na nakipaglibing sa aktres. (Philip Reyes)