MAY bago nang officer-in-charge ang National Bureau of Investigation (NBI) makaraang italaga ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Assistant Dir. Atty. Medardo de Lemos.
Sa inilabas na Department Order ni Remulla, papalitan ni De Lemos si dating OIC Eric Distor na nagsilbing acting Director ng NBI sa panahon ng pandemya.
Nabatid na mula noong 1985 ay nasa NBI na si de Lemos at Assistant Director sa nakalipas na 12 taon.
Nakipag-pulong na rin kahapon si Remulla kay de Lemos at pangunahing tinalakay ang isyu sa kinukwestyong pagkamatay ng ilang inmates ng New Bilibid Prison o NBP.
Ayon kay Atty. Mico Clavano, mula sa Office of the Secretary ng DOJ, nais kasi ni Remulla na ma-validate o mapatunayan ang mga impormasyon na naiprisinta na ukol sa pagkasawi ng walong high-profile inmates ng Bilibid.
Nais rin ni Remulla na malaman ang iba pang detalye ukol sa pagkamatay ng mga inmates na itinurong dahilan ay COVID-19.
Maalala na nagsampa ang NBI sa DOJ ng reklamong murder laban sa 22 pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakatalaga sa Bureau of Corrections, kaugnay sa pagkamatay ng mga inmates.
Batay kasi sa imbestigasyon ng NBI, maaaring ginamit lamang ang COVID-19 para pagtakpan ang pagkamatay ng mga inmate.
Ang pagsisiyasat ng NBI ay ginawa alinsunod sa utos ng DOJ noong July 2020, matapos ang pagkasawi ng isa sa mga high profile inmate na si Jaybee Sebastian. (CARL ANGELO)