NBI CYBERCRIME CHIEF, SINIBAK SA PUWESTO

SINIBAK sa puwesto ang hepe ng Cybercrime Unit ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot umano sa isang maanomalyang operasyon na iniimbestigahan pa sa ngayon.

Ipinag-utos ni NBI OIC Director Eric Distor ang pagtanggal sa puwesto kay Asst. Regional Director Vic Lorenzo, hepe ng NBI-Cybercrime Investigation and Assessment Center (CIAC) at iba pang opisyal ng Cybercrime Division habang isinasagawa ang kanilang imbestigasyon.


Hindi naman binanggit ng NBI kung anong uri ng operasyon ang kinasangkutan ni Lorenzo at mga tauhan sa kabila ng pagtatanong ng mga mamamahayag dahil sa gumugulong na imbestigasyon.

Kasabay nito, ipinag-utos ni Distor ang pagsusuri sa mga umiiral na “cybercrime and other operational guidelines and procedures” na ipinatutupad ng mga “operational units” ng NBI sa buong bansa.

Kabilang dito ang pagsasagawa ng mga operasyon sa pagsisilbi ng ‘search warrants’, ‘intelligence operations’ at imbestigasyon.


Iginiit rin ni Distor na lahat ng ‘operational authority’ ay dapat nanggagaling sa Office of the Director na siyang may kontrol at superbisyon, at tatanggap lamang ng tulong sa mga Deputy Director.

Pinasusumite na rin ni Distor ang lahat ng Regional Directors, Agents-In-Charge at Central Office Chiefs ng kanilang ‘performance/accomplishment reports’ para isailalim sa rebyu. (Philip Reyes)


Tags: Cybercrime Unit ng National Bureau of Investigation (NBI)

You May Also Like

Most Read

Latest News