Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang 32 anyos na construction worker matapos na tumalon sa ikatlong palapag ng gusali ng Manila City Hall ,kahapon ng umaga .
Ayon sa paunang ulat ng Manila Police District -Special Mayor’s Reaction (MPD-SMART) na pinamumunuan ni Maj. Edward Samonte, dinala umano kay Assistant City Prosecutor Glen Romano ang tumalon na si Lyle Adams Fernandez, ng Brgy. Anolis Mangaldan Pangasinan, para i-inquest sa kanyang mga kaso,alas-11 ng umaga.
Nakaposas pa umano si Fernandez nang bigla itong tumakbo patungo sa bintana sa ikatlong palapag at saka tumalon at bumagsak sa ibaba ng gusali malapit sa kinalalagyan ng ATM machine.
Mabilis naman na nakaresponde ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) rescue team sa ilalim ni Director Arnel Angeles at isinugod si Fernandes sa Philippine General Hospital (PGH).
Una nang kinasuhan si Fernandez ng paglabag sa R.A. 10591, Violation of Art. 155, Art. 285 ng Revised Penal Code at Physical Injury matapos na mamaril sa opisina ng kanyang ka-live na si Lizel Raguindin.
Nakatakas ito noong una pero nadakip din kinagabihan matapos na mag-text kay Raguindin at hiniling na magkita sila sa huling pagkakataon na naging daan para ikasa ng pulis ang entrapment operation.
Nakuha kay Fernandez ang isang . 38 kalibre ng baril nang siya ay dakpin.