Nasawi ang isang 69-anyos na matandang babae, habang sugatan ang kanyang misis a tres-anyos na anak matapos na maburyong ang isang mister sa burol mismo ng kanyang 16-anyos na anak, kamakalawa ng hapon sa Tondo,Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Emedina Nabua, sari-sari store owner; habang sugatan naman at naka-confine sa Jose Reyes Medical Center ang mag-inang sina Jennifer Coquilla, 34, at Ryza Conquilla, 3, pawang residente ng 2624 Dagupan Extension, Tondo, Maynila dahil sa mga tama ng saksak sa katawan.
Arestado naman ang suspek na si Aries Coquilla, 36, construction worker at residente ng 2624 Dagupan Extension, Tondo.
Ayon sa imbestigasyon ni PSSg Emiliano Buño Jr. ng Manila Police District- Police Station 7 ,alas-3:30 ng hapon ng Martes nang maganap ang krimen sa tahanan ng mga biktima sa Dagupan Extension.
Bago ang insidente, nabatid na natagpuang patay ang 16-anyos na anak na lalaki ng suspek noong Hunyo 20. Hindi naman tinukoy sa ulat kung paano napaslang ang anak ng biktima.
Sinabi ng suspek na balak sana niyang patayin ang kanyang buong pamilya at saka siya magpapakamatay dahil hindi niya matanggap ang pagkamatay ng kanyang panganay na anak.
Humingi naman ng tawad ang suspek sa kanyang mag-ina at sa pamilya ni Nabua nang matauhan ang suspek.
Sinampahan naman ng kasong murder,attempted parricide at alarm and scandal ang suspek sa Manila Prosecutors Office. (Jantzen Tan)














