MTPB enforcer, nakaladkad ng sinitang tricycle

SA kulungan bumagsak ang isang pasaway na tricycle driver makaraang masaktan ang isang traffic enforcer na nakaladkad ng kanyang sasakyan, nang magtangkang tumakas matapos na masita dahil sa illegal parking sa Sta. Cruz, Maynila.

Sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries sa Manila Regional Trial Court ang suspek na nakilalang si Jomar Flordeliza, nasa hustong gulang. Dagdag pa dito ay na-impound ang kaniyang minamanehong tricycle nang hindi makapagpakita ng lisensya at kaukulang dokumento.

Sa ulat ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), sinita nitong nakaraang Huwebes dakong alas-9 ng umaga ang suspek ni Andrei Lelis, miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau dahil sa illegal parking sa may bangket sa Abad Santos at Hermosa Street sa Barangay 374.


Nang hindi makapagkakita ng lisensya, bigla umanong pinaharurot ng tsuper ang tricycle ngunit sumabit ang suot na kapote ng enforcer, dahilan para makaladkad siya at magtamo ng pinsala sa katawan.

Agad ring nahuli ang suspek habang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Lelis na nilapatan ng paunang lunas at masuwerteng hindi na kinailangang maratay.


Dagdag na kasong resistance and disobedience to person in authority ang inihain rin laban kay Flordeliza. (Jantzen Tan)


Tags: Manila Police District-Special Mayor's Reaction Team (SMaRT)

You May Also Like